Ni: Fer Taboy, Bella Gamotea, at Jun Fabon

Inihayag kahapon ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na nakararanas ng malawakang blackout ang Samar, Bohol, Southern Leyte, at Northern Leyte dahil sa pagyanig nitong Huwebes ng hapon.

Hindi masabi ng NGCP kahapon kung kailan maibabalik ang kuryente sa mga lugar na apektado ng blackout.

Ayon sa NGCP, hindi pa nito natatapos ang pag-iinspeksiyon sa linya sa mga apektadong lalawigan, at gumamit na sila ng helicopter ng NGCP para sa mas mabilis na aerial patrol.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

“We have not yet completed the inspection of our affected facilities. Hundreds of kilometers of lines and several substations are involved. We are utilizing our helicopters to expedite completion of necessary inspections. We are also already mobilizing the people and equipment necessary for an expedited restoration. We ask for your patience,” ayon sa NGCP.

Kinumpirma ng NGCP na nakararanas din ng power interruption ang ilang bahagi ng mga Cebu, Negros at Panay.

IBALIK AGAD!

Inutusan naman ng Department of Energy (DoE) ang ilang kumpanya ng kuryente na kaagad ibalik ang power supply sa mga nilindol na lalawigan.

Pinaalalahanan ni DoE Secretary Alfonso Cusi ang industry players na tiyaking mabilis at ligtas ang paghahatid ng serbisyo ng kuryente sa mga apektadong residente.

MAY SAPAT NA BIGAS

Samantala, kinumpirma naman ng National Food Authority (NHA) na may sapat na bigas ang ahensiya para i-supply sa mga nilindol na lalawigan sa Eastern Visayas.

Ayon kay NFA Administrator Jason L. Y. Aquino, personal siyang pumunta sa Cagayan de Oro City para kausapin ang mga opisyal sa Mindanao upang punan ang pangangailangan sa bigas sa Eastern Visayas.

Dagdag pa ni Aquino, nagpakalat na rin siya ng mga tauhan sa Eastern Visayas upang matiyak na walang negosyante na magsasamantala sa pagtataas ng halaga ng bigas kasunod ng lindol.

Nananatili namang stable ang halaga ng commercial rice sa Eastern Visayas: nasa P33-P38 ang per kilo ng regular milled rice (RMR), habang P38-P45 naman ang kada kilo ng well milled rice (WMR).