Ni: Celo Lagmay
SA kabila ng magkakaiba at magkakasalungat na espekulasyon hinggil sa pagpapaliban ng halalan ng mga barangay at Sangguniang Kabataan (SK), natitiyak ko na magkakatotoo ang kawikaang “pagkahaba-haba man ng prusisyon, sa simbahan din ang tuloy.” Nangangahulugan na, pagkatapos ng pagtimbang ng mga Senador at Kongresista sa panukalang-batas hinggil sa pagpapaliban o postponement ng naturang halalan, ang desisyon ng Kongreso ay inaasahang nakaangkla sa adhikain ng administrasyon na puksain ang illegal drugs sa mga barangay.
Si Pangulong Rodrigo Duterte mismo ang nagpahayag ng mahigpit na pagtutol sa pagdaraos ng eleksiyon ng mga barangay.
Ito ang dahilan kung bakit minsan pang ipinagpaliban ang nasabing halalan na nakatakda sanang idaos noong nakalipas na taon. Ngayon, muli niyang ipinahiwatig ang gayong kahilingan dahil sa pagkakasangkot ng pamunuan ng mga barangay sa mga bawal na droga; sa kanilang hayagang pagpapabaya sa pagsugpo ng kriminalidad sa kani-kanilang mga nasasakupan.
Isipin na lamang na sinasabing ang 92 porsiyento ng mga barangay sa buong kapuluan ay apektado ng illegal drugs.
Sa halip na magdaos ng halalan, nais ng administrasyon, sa pamamagitan ng Department of Interior and Local Government (DILG), na magtalaga na lamang ng mga Barangay Chairman. Ibig sabihin, pipiliin na lamang ang magiging lider ng mga komunidad. Sa gayon, hindi na magsasagawa ng magastos na eleksiyon; at makatitipid ng malaking halaga ang gobyerno.
Sa bahaging ito gumitaw ang iba-ibang argumento na nakaangkla sa tunay na diwa ng demokrasya; marapat na magkaroon ng kalayaan ang sambayanan upang pumili ng kani-kanilang magiging mga lider. Isa pa, ang halalan ng mga barangay ay dapat idaos sapagkat ito ay itinatadhana ng Konstitusyon. Hindi ba ito maliwanag na pagkakait ng karapatang bumoto o right of suffrage?
Maging ang mga opisyal ng local government units (LGUs), gobernador, mayor at iba pa, ay natitiyak kong nagkakaisa sa kahalagahan ng pagdaraos ng barangay at SK polls. Makabuluhang magkaroon sila ng sariling pasiya sa paghalal ng kani-kanilang mga opisyal.
Gayunman, tulad ng paninindigan ni Nueva Ecija Governor Cherry Umali – na ipinahayag sa pamamagitan ni Provincial Administrator Atty. Al Abesamis – marapat lamang igalang ang batas na isinulong ng Kongreso at nilagdaan ng Pangulo; bahagi ng doktrina ang simulaing tayo ay pinakikilos ng mga batas at hindi ng tao.
Hindi natin pinangungunahan ang Kongreso – at lalong hindi natin pinanghihimasukan ang kapangyarihan ng Pangulo sa paglagda ng mga panukalang-batas – subalit naniniwala ako na maipagpapaliban ang barangay at SK elections.