Nina FRANCIS T. WAKEFIELD at BETH CAMIA
Ipinahayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana nitong Biyernes na sinusuportahan niya nang buong-buo si Pangulong Rodrigo Duterte na walang magaganap na peace talks sa komunista maliban na lang kung titigil ang mga ito sa pangongotong.
“Naglabas na ng guidance si Presidente kahapon noong nasa Malaybalay, Bukidnon kami. He said ’no resumption of talks unless the NPAs stop their extortion,’” pahayag ni Lorenzana.
“I fully support that. Palagay ko maliwanag na maliwanag ‘yan. For my part I have been advocating a bilateral ceasefire which includes ‘no extortion’ as a sine qua non for a peace talk,” dagdag niya.
Sinabi rin ni Lorenzana na hindi niya susuportahan ang pagbabalik ng peace talks kung hindi titigil ang New People’s Army (NPA) rebels sa pag-atake sa puwersa ng pamahalaan sa iba’t ibang parte ng Pilipinas.
“I still don’t if they continue to attack government forces,” diin ni Lorenzana.
“Isa pa only with a bilateral cease fire can we have a mechanism to enforce ‘no extortion’. Paano nila i-enforce ang ‘no extortion’ kung ang mga armado nila continue to harass and attack people?” tanong ng Defense secretary.
Sinabi ni Lorenzana na sa oras na ihinto ng mga komunista ang pagpatay, doon niya susuportahan ang peace talks.
“Yes, of course. We will support it 100 percent,” sambit ni Lorenzana.