MATAGAL nang napag-iiwanan ang Pilipinas ng Singapore at Malaysia sa Foreign Direct Investments (FDI), na pangunahin ang halaga sa pagsulong ng ekonomiya ng mga papaunlad na bansang gaya ng sa atin.
Sa World Investment Report 2017 na inilabas nitong Hunyo ng United Nations Conference on Trade and Development, itinakda ang FDI ng Pilipinas sa $7.983 billion—napakaliit kumpara sa $61.63 billion ng Singapore at $12.571 billion ng Malaysia. Ngunit higit naman ito sa $3.762 billion ng Indonesia at $3.286 billion ng Thailand. Tinaya naman ng Bangko Sentral ng Pilipinas na aabot sa $8 billion ang ating FDI ngayong taon.
Naglabas din ng ulat ang United States State Department na sumusuri sa lagay ng negosyo sa may 170 bansa sa mundo.
Itinala nito ang Pilipinas bilang isa sa mga bansang may pinakamalaking potensiyal para sa dayuhang pamumuhunan, batay sa tatlong dahilan—ang pagdami ng middle class sa bansa, ang kakayahan ng mamamayan na agarang gastusin ang kanilang kinita, at ang matatag na sitwasyong pulitikal sa bansa.
Gayunman, natukoy din sa ulat ng Amerika ang ilang hadlang, kabilang ang limitasyon sa banyagang pagmamay-ari ng mga lupain at negosyo, na itinatakda ng Konstitusyon. Sa nakalipas na administrasyong Aquino, tinangka ng Kamara de Representantes na matugunan ito sa panukalang amyenda sa nasabing batas sa pahintulot ng Kongreso upang mapaluwag ang mga limitasyong ito. Ngunit walang nangyari sa planong ito hanggang sa tuluyan nang natapos ang administrasyong Aquino.
Nakapagtala rin ang ulat ng US State Department ng mga hadlang sa dayuhang pamumuhunan sa Pilipinas gaya ng: hindi maayos na imprastruktura, kawalan ng pagkakatulad ng mga regulasyon, kurapsiyon, mabagal na sistema ng hudikatura, mabagal na sistema sa pagrerehistro ng negosyo, at pagsisikip ng trapiko at mga pantalan.
Pursigidong kumikilos ang administrasyong Duterte upang maresolba ang problema sa imprastruktura sa pamamagitan ng napakahabang listahan ng mga proyekto — mga kalsada at tulay, mga riles, mga pantalan at paliparan, mga gusaling pampaaralan, at iba pang gusaling pampubliko — gamit ang bilyun-bilyong piso na nakapaloob na sa pambansang budget.
Ayon sa mga opisyal ng administrasyon, sa susunod na limang taon ay aabot na sa P3 trilyon ang gastusin sa imprastruktura.
Ang iba pang suliranin sa kurapsiyon at hindi maayos na mga regulasyon ng pamahalaan ay hindi madaling solusyunan, dahil sangkot dito ang malawak na burukrasyang karaniwan nang tumatanggi sa pagbabago at reporma. Ngunit nagpakita ang bagong administrasyon ng kahandaang resolbahin ang problema — marahil matapos nitong tutukan ang mga umiiral nang suliranin sa seguridad ng bansa at sa rebelyon.
Kumikilos ang administrasyon sa maraming paraan upang maisakatuparan ang pagbabagong ipinangako nito. Matapos nitong tugunan ang nakalululang problema ng bansa sa ilegal na droga at kapag natuldukan na ang banta sa pambansang seguridad sa Mindanao, dapat na nitong tutukan ang mga suliraning pang-ekonomiya ng bansa. Mangangahulugan ito ng mas maginhawang pamumuhay para sa ating mamamayan, na siyempre pa, ay siyang dapat na pangunahing layunin ng alinmang gobyerno.