Nina FER TABOY at ROMMEL P. TABBAD

Inihayag kahapon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na nakapagtala ito ng mahigit 250 aftershocks kasunod ng magnitude 6.5 na lindol na yumanig sa Jaro, Leyte nitong Huwebes ng hapon.

Sinabi ni Phivolcs Director Renato Solidum na sa datos hanggang pasado 6:00 ng umaga kahapon ay umabot na sa mahigit 250 ang naitalang aftershocks sa Leyte.

At least 8 were pulled out from the rubble in a building that collapsed in Kananga, Leyte after a strong earthquake hit the area on July 6, 2017. 2 of 8 persons that were rescued were dead. (Photo by: Juan Carlo de Vela) mbnewspictures/mbnewspix
At least 8 were pulled out from the rubble in a building that collapsed in Kananga, Leyte after a strong earthquake hit the area on July 6, 2017. 2 of 8 persons that were rescued were dead. (Photo by: Juan Carlo de Vela) mbnewspictures/mbnewspix

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Kasabay nito, inihayag ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na mahigit 100 pasyente na ang dinala sa mga ospital sa Region 8 matapos ang lindol.

Kabilang sa mga naospital ang 25 nakaranas ng hysteria, anim ang nagtamo ng minor injury, 31 ang kinailangang i-admit, isa ang naputulan ng binti, sampu ang kinailangang isailalim sa minor operation, at 40 naman ang kaagad na pinauwi matapos malapatan ng lunas.

AFTERSHOCKS HANGGANG NEXT WEEK PA

Ayon kay Solidum, normal lang na makaramdam ng magkakasunod na pagyanig matapos ang lindol na may lakas na magnitude 6.5, idinagdag na maaaring umabot sa hanggang magnitude 5.5 ang pinakamalakas na aftershock.

Dagdag pa niya, asahang hanggang sa susunod na linggo pa mararamdaman ang aftershocks, bagamat papahina na ang mga ito.

Sinabi pa ni Solidum na ang Leyte segment ng Philippine fault mula sa Ilocos hanggang Davao Oriental ang gumalaw nitong Huwebes.

Nilinaw din niyang walang inilabas na tsunami warning ang ahensiya, at sa halip ay nagbabala sa pagguho ng lupa.

2 NASAWI, 6 NA-RESCUE

Kinumpirma rin kahapon ng NDRRMC na dalawang katao ang nasawi sa lindol: sina Riza Rosales, 19, ng Barangay Cabaon-an, Ormoc City; at Gerry Movilla, ng Kananga, Leyte.

Nabagsakan ng hollow blocks sa likod si Rosales habang pinoprotektahan sa mga guho ang limang-buwan niyang sanggol, habang na-trap naman si Movilla sa pagguho ng tatlong-palapag na commercial building.

Anim naman ang na-rescue mula sa mga gumuhong gusali sa Kananga, ayon sa Leyte PDRRMC. Si Marian Superales, kahera ng New Town Grocery, ay nailigtas mula sa ground floor ng tatlong-palapag na gusali.

Hinugot din mula sa nasabing gusali si Jevy Omulon, 29, at mga anak niyang sina Aina Nicole Geraldez, 7; at Sancho Geraldez, 4, bandang 8:00 ng gabi.

Samantala, bandang 10:00 ng gabi naman nang ma-rescue si Edgar Cabahug at Irene Dolores, sa palakpakan at hiyawan ng mga sumubaybay sa makapigil-hiningang rescue operation.

Batay sa paunang impormasyon ng NDRRMC, 72 sa Leyte ang nasugatan sa lindol; 43 ang naitala sa Kananga, tatlo sa Ormoc City, at 26 sa Cirigara.

Hanggang kahapon ay kinukumpleto pa ng NDRRMC ang assessment sa kabuuan ng mga napinsalang istruktura sa mga niyanig na lugar, partikular sa Leyte.