Ni: PNA

NAGSIMULA nang maglibot ang Surgical Caravan ng Department of Health na may temang “ToDOHalaga, May Tsekap na, May Operasyon pa” sa Pangasinan kahapon.

Inilunsad ang surgical caravan nitong Hunyo 30 sa Hotel Consuelo Resort at Chinese Restaurant sa Lingayen, sa pangunguna ng Department of Health, katuwang ang pamahalaang panglalawigan, sa pamamagitan ng Provincial Health Office, sa pamumuno ni Dr. Anna Maria Theresa de Guzman.

Layunin nitong pataasin ang pagkakaloob ng serbisyong pangkalusugan para sa pinakamahihirap upang makatulong sa pagpapagaan sa kanilang mga suliraning pangkalusugan.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Nag-aalok ang caravan ng libreng operasyon, mula sa maliliit hanggang sa malalaking kaso, para sa mahihirap na nasasakupan at nangangailangan ng operasyon at kasalukuyang nasa Urdaneta District Hospital.

Isasagawa naman sa Western District Hospital (WDH) sa Alaminos City ang caravan sa Lunes hanggang Biyernes, Hulyo 10-14, para sa unang set ng mga piling pasyente na sasailalim sa surgical procedures.

Pitong daan at pitumpong piling pasyenteng mula sa Pangasinan ang sumailalim na sa pagsusuring medikal sa iba’t ibang municipal health units.

Ipinahayag ni OIC Assistant Secretary of Health, Department of Health Region 1 Director Myrna C. Cabotaje, na ang caravan ay bahagi ng programa ng Philippine Health Agenda (PHA)—isang check-up program na layuning makapaghatid ng probisyon ng medical intervention, alinsunod sa garantiya ng PHA ng Service Delivery Network kung saan organisado ang mga heath care provider upang masiguro ang madali at maayos na access sa mataas na kalidad ng serbisyo, kahit na ang mga ito ay walang kakayahang magbayad.

Nagtulung-tulong ang mga kinatawan mula sa Department of Health, sa ospital ng UDH at WDH, at ng Region 1 Medical Center, gayundin ang mga opisyal ng mga lokal na pamahalaan, sa pagpopondo, pagtukoy sa mga benepisyaryo, at sa arrangements ng Surgical Caravan habang inilulunsad ang aktibidad.

Binigyang-diin ni Asec. Cabotaje na ang lahat ng surgical procedures na maisasagawa sa caravan ay mapupunta sa PhilHealth, habang ang mga laboratoryo at diagnostic procedures, mga gamot, supplies, at professional fees ay maaaring saklaw ng Department of Health at ng mga katuwang na lokal na pamahalaan, sa pamamagitan ng Medical Assistance program, at iba pang mga pondo.

Binanggit din ni R1MC chief of clinics at point person ng caravan na si Dr Cesar G. Guico na ang mga benepisyaryo na hindi pa tapos sa clearance ay hindi maaaring operahan ngayong Hulyo.