Ni: Ric Valmonte
KUMAKALAT na ang isyung iniimbestigahan ng House Committee on good government and public accountability, ni Kongresista Pimentel, ang umano’y maanomalyang paggamit ng pamahalaang lokal ng Ilocos Norte, sa ilalim ni Gov. Imee Marcos, sa P66.45 million tobacco funds. Nauna rito ay iyong binigyan ng piyansa ng Court of Appeals (CA) ang anim na opisyal ng probinsiya na ipinakulong ng komite sa salang contempt dahil sa ayaw nilang sagutin ang mga tanong ng mga miyembro nito. Dahil sa ginawa ng CA, nag-isyu ng show cause order ang komite sa tatlong mahistrado nito na nagbigay ng piyansa at pinagpapaliwanag sila kung bakit hindi rin sila dapat parusahan ng contempt. Kung mapapatunayan na inatasan ni Chief Justice Ma. Lourdes Sereno ang tatlong mahistrado na suwayin ang show cause order, binantaan siya ni House Speaker Pantaleon Alvarez na sasampahan ng kasong impeachment.
Talagang ipinagmamalaki ng Speaker ang kanyang mga kapanalig sa Kamara. Idinadaan na niya at ng kanyang mga kakampi, tulad ni Chairman Pimentel na nagbanta namang ipakukulong si Gov. Imee Marcos kapag hindi sumipot sa darating na pagdinig ng kanyang komite, sa lakas ang paggamit ng kapangyarihan. Sinubukan na nila ito kay Sen. Leila de Lima.
Nang pagbantaan nilang ipakukulong ang dating driver-lover ng Senadora, nasunod ang gusto nilang ipahamak nito ang Senadora sa bintang nila na sangkot ito sa illegal drug trade sa New Bilibid Prison.
Batayang prinsipyo sa uri ng ating paggogobyerno sa ilalim ng demokrasya ay ang separation of powers at check and balance. Naaayon sa check and balance ang pagtungo ng anim na empleyado ng Ilocos Norte na ipinakulong ng komite ni Pimentel para malunasan ang kanilang suliranin. May kapangyarihan ang mga korte na repasuhin ang naging aksiyon ng mga mambabatas sa anumang isyu kung sila ay nagmalabis sa tungkulin. Kaya, iyong ginawa ng CA na bigyan ng piyansa para makalaya ang anim ay sakop ng kapangyarihan nito. Kung sa akala ng mga mambabatas na pinasok ng korte ang kanilang teritoryo at nilabag nito ang separation of powers, hindi remedyo ang suwayin nila ang desisyon ng CA at isyuhan ng show cause order ang tatlong mahistado nito na naglabas ng desisyon. Sabi nga ng joint statement ni Chief Justice Sereno at ni Presiding Justice Andres, Jr., may remedyo sila alinsunod sa Saligang Batas at Rules of Court:
ang umapila sa Korte Suprema. Hindi naaayon sa rule of law na labanan ito sa pamamagitan din ng pagmamalabis sa tungkulin.
Hindi ganap ang sistema ng gobyerno para malapatan ang lahat ng problema dahil tao ang nagpapatakbo nito na likas na nagkakamali. Pero, ang sistema ay may paraan para iwasto ang sarili. Hindi nananalig ang mga mambabatas dito, kundi sa kanilang sariling lakas na pansamantala lamang.