Ni: Ador Saluta
ISANG Kapamilya executive ang nakatsikahan namin sa isang sosyal na restaurant sa Quezon City.
Binati namin siya sa pamamayagpag nila sa mga award-giving body at recently nga lang ay nanalo silang Best Station sa KBP Golden Dove Awards.
“Eh meron pa bang iba na dapat manalo? Magtaka ka kung may ibang manalo. Kami lang naman ang TV station na kasali doon,” natatawang say niya sa amin.
Naaaliw sa sitwasyon ang kausap namin dahil matagal na palang umalis ang GMA sa KBP. Saka lang naging malinaw sa amin kung bakit walang programa o personality ng GMA Network na nananalo rito.
Hindi na kami nagulat na pati ang kaibigan naming Kapamilya exec ay hindi nagdududa kung bakit bukod tanging sila lang ang nag-uuwi ng Best TV Station sa nasabing award-giving body.
May ibang choice pa ba naman sila?
Kailangan sigurong ayusin muna ng KBP ang membership ng GMA-7, ang tanging malakas na kakumpetensiya ng ABS-CBN para maging credible ang awards nila. Para rin hindi magmukhang ABS-CBN awards ang gawad-parangal nila.