Ni ADOR SALUTA
ISANG pamilya na naghahangad ng masayang buhay na magkakasama ang hahamunin nang magkaroon ng malubhang sakit ang haligi ng tahanan ang aantig sa puso ng mga manonood ngayong gabi sa Maalaala Mo Kaya.
Simpleng kuwentuhan at pagsasalu-salo sa hapag-kainan lang ay masaya na ang pamilya ni Adelle (Jana Agoncillo). Kaya labis-labis ang kanilang kalungkutan nang magkasakit ang kanilang ama, si Manuel (Michael de Mesa).
Dahil dito, napilitan ang panganay na kapatid ni Adelle na si Lan (Louise Abuel) na magtrabaho bilang helper para may maipangsustento sa kanilang anim na magkakapatid at ang ate naman niyang si Angie (Faye Alhambra) ay sumama sa tiyahin para maipagpatuloy ang pag-aaral. Bilang pangatlo sa pamilya, napasa kay Adelle ang pangangalaga sa kanyang mga nakababatang kapatid katuwang ang kanyang ina na si Rosa (Amy Austria).
Masakit man sa kanilang kalooban, dumating ang panahon na kinailangan na rin nilang iwan ang tatlo nilang nakababatang kapatid sa kalinga ng kanilang tiyahin habang patuloy na naghahanap ng solusyon sina Rosa, Lan, Angie, at Adelle sa sakit ng ama.
Gagaling pa kaya si Manuel? May pagkakataon pa kayang mabuo ang pamilya ni Adelle?
Kasama rin sa upcoming episode sina Angeline Quinto, Rayver Cruz, Raine Salamante, Dexie Daulat, Jacob Dionisio, Andrei Garcia, Rolly Inocencio, at Gigi Locsin, mula sa panulat ni Benson Logronio at sa direksiyon ni Raz de la Torre.