Ni: Leandro Alborote
TARLAC CITY - Isang hindi pa kilalang armado na sinasabing sangkot sa carnapping ang iniulat na nakipagbarilan sa mga pulis hanggang sa masawi sa Barangay Binauganan, Tarlac City, nitong Huwebes ng hapon.
Sa ulat ni PO3 Benedick Soluta kay Tarlac City Police chief Supt. Bayani Razalan, ang napatay sa shootout ay armado ng .38 caliber revolver, at nasamsaman pa umano ng dalawang plastic sachet na may hindi matiyak na gramo ng shabu.
Bago ang engkuwentro, ipinarada ni Arnold Granadozin, 53, ang kanyang Honda motorized tricycle (CG-5483) sa gilid ng Siesta Travel Break sa Bgy. San Roque, nang lapitan siya ng suspek, tinutukan ng baril, inagaw sa kanya ang susi ng tricycle, at pinasibad ito.
Kaagad na nai-report sa Police Community Precinct-8 ang insidente na nauwi sa habulan hanggang makorner ang suspek sa Bgy. Binauganan at mapatay sa engkuwentro.
Nakalagak ngayon ang bangkay ng lalaki sa Lotus Funeral Parlor sa Bgy. Sta. Cruz, Tarlac City.