Nina BETH CAMIA at GENALYN KABILING
Matapos ang isang taong panunungkulan, pumalo sa record-high ang net satisfaction rating sa performance ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isinagawang survey ng Social Weather Stations (SWS) noong Hunyo 23-26, 78 porsiyento ng mga Pilipino ang kuntento sa performance ng Pangulo kumpara sa 12% hindi kuntento, habang 10% naman ang undecided.
Dahil dito, mayroong net satisfaction rating na +66 si Pangulong Duterte, ang kanyang panibagong personal record high.
Magugunita na noong Marso, mayroon lamang +63 net satisfaction rating (75% ang kuntento habang 12% ang hindi kuntento) ang Punong Ehekutibo.
Nabatid na 1,200 adult respondents ang sumailalim sa interview para sa naturang survey.
Ayon sa SWS, tumaas ang satisfaction rating ng Pangulo sa Visayas at Luzon areas sa labas ng Metro Manila, samantalang bumaba naman sa Mindanao.
Samantala, dahil sa record-high public satisfaction rating ay mas inspirado ngayon si Pangulong Duterte na mapanumbalik ang normalidad sa Marawi City at mabigyan ng kumportableng buhay ang lahat ng Pilipino.
Ikinatuwa ni Presidential Spokesman Ernesto Abella ang resulta ng survey, at sinabi na ipinakikita ng mga numero ang “growing confidence” sa performance ng Pangulo at ganoon din ang suporta sa idineklara nitong martial law sa Mindanao.
“The survey result, 3% higher from March 2017’s 75%, is a clear indication of the growing confidence in the Chief Executive and his performance as the country’s leader,” sabi ni Abella.
“This positive acknowledgement of the Filipino people further motivates the administration to work for the restoration of normalcy in Marawi and to start its rehabilitation as well as bring a comfortable life for all Filipinos, including Muslim Filipinos,” aniya.
Pinansin ni Abella na ang public satisfaction kay Pangulong Duterte ay patuloy na umaakyat.
Aniya, isinagawa ang survey isang buwan matapos isailalim ng Pangulo ang buong Mindanao sa batas militar, at “it shows tacit public support to the President’s action following the rebellion in Marawi.”