Ni: Vanne Elaine P. Terrazola
Hindi pinakawalan ng awtoridad ang drug suspect na nakuhanan ng P325,000 halaga ng umano’y shabu sa anti-drug operation sa Quezon City.
Inaresto ng mga tauhan ng Quezon City Police District’s Drug Enforcement Unit (DDEU) at ng Philippine Drug Enforcement Agency National Capital Region (PDEA-NCR) si Bergel Arrogante, 36, sa buy-bust operation sa panulukan ng Road 8 at Mindanao Avenue, Barangay Bagong Pag-asa, dakong 1:30 ng madaling araw.
Ayon sa awtoridad, ikinasa nila ang operasyon laban kay Arrogante nang may magsumbong tungkol sa ilegal nitong aktibidad sa kanilang lugar.
Sinabi ni Chief Insp. Ferdinand Mendoza, hepe ng DDEU, napag-alaman na si Arrogante, kilala rin bilang “Tata,” ay hindi lamang pakalat-kalat sa Bagong Pag-asa, kundi maging sa Bgy. Talipapa at kalapit na lugar.
Idinagdag ng DDEU na minsan nang sumuko ang suspek sa Oplan Tokhang operation noong Abril 16 ng kasalukuyang taon.
Sa pamamagitan ng informant, naglatag ng operasyon ang anti-narcotics operatives laban kay Arrogante na magbebenta sa kanila ng shabu sa halagang P45,000.
Dinamba si Arrogante nang ibigay niya sa poseur-buyer ang malaking pakete ng umano’y shabu. Nakumpiska rin ng awtoridad mula sa suspek ang isa pang malaking pakete ng ipinagbabawal na droga.
Ayon sa pulis ang dalawang pakete, na may bigat na 65 gramo, ay tinatayang nagkakahalaga ng P325,000.
Kasalukuyang nakakulong si Arrogante sa DDEU sa Camp Karingal.