Ni: Celo Lagmay
TUWING tumataas ang presyo ng petrolyo, gayundin kung ito ay bumababa, lumulukob sa aking kamalayan ang kapangyarihan ng Oil Deregulation Law (ODL); mistulang kalbaryo ito na pinapasan ng ating mga kapwa motorista na walang magawa kundi sumunod sa kumpas ng ilang gahamang oil company.
Ang ODL ang armas ng mga kumpanya ng langis sa pagpapatupad ng nakalululang dagdag-presyo; hindi sila mahahadlangan sa kanilang makasariling pagnenegosyo. Maging ang pamahalaan ay nakahalukipkip lamang samantalang tumataas at bumababa ang presyo ng langis dahil nga sa kapangyarihan ng naturang batas.
Matagal nang isinisigaw ng halos lahat ng sektor ng sambayanan ang pagsusog, kundi man pagpapawalang-bisa, sa ODL.
Subalit ang mga mambabatas ay hindi tinatablan ng mga panawagan. Kinukunsinti kaya nila ang gayong pagsasamantala at panlalamang ng mga oil companies dahil sa nakapaghihinalang mga dahilan? Patuloy na namayagpag ang nabanggit na mga kumpanya noong nakalipas na mga administrasyon.
Dito natin masusubukan ang determinasyon ng kasalukuyang pangasiwaan sa pagpuksa ng masakim na pagnenegosyo na nagpapahirap sa higit na nakararaming mamamayan; matitiyak natin kung mga pagkukunwari lamang ang sinasabing pagpapagaan sa pasanin ng mga maralita sa kanilang mga pangangailangan, lalo na nga ang mga produkto ng petrolyo.
Totoong nagpapatupad din naman ng rollback o pagbaba ng presyo ng langis ang nasabing mga kumpanya. Subalit ito ay katiting lamang o pampalubag-loob kung ihahambing sa ipinatutupad nilang oil price hike; lagi nilang idinadahilan ang pagtaas ng halaga ng inaangkat nilang krudo.
Sa aking pagkakatanda, minsan lang nagkasunud-sunod ang oil price rollback. Ito ay noong lumabis ang produksiyon ng langis sa Middle East. Dahil dito, sumisid ang presyo ng naturang produkto. Dahilan ito ng sobrang oil supply.
Napilitan ang mga kumpanya ng langis sa... ating bansa upang ibaba ang halaga ng kanilang produkto.
Ang nabanggit na labis na produksiyon ng langis ay naging dahilan naman ng malawakang pagbabawas ng labor force o mga manggagawa, kabilang na ang mga kababayan nating overseas Filipino workers (OFWs). Marami sa kanila ang napilitang umuwi habang ang iba ay nagbabakasakaling makakakita ng malilipatang kumpanya. Hanggang ngayon, napag-alaman ko na marami sa kanila ang umaasa na lamang sa tulong ng kanilang mga kapwa OFWs at ng ating Embahada at Konsulado.
Kung hindi man mapapawalang-bisa ang ODL, susugan na lamang ito upang gumaan naman ang kalbaryong pinapasan ng katulad nating mga motorista.