Ni NITZ MIRALLES
KUNG marami ang kinikilig, kabilang naman si Janice de Belen sa napakarami ring brokenhearted sa announcement na ikakasal sa October 31 ang tinatawag na Song Song couple na sina Song Joong-ki at Song Hye-kyo.
Sobrang favorite ni Janice si Song Joong-ki, si Big Boss sa Descendants of the Sun at bida rin sa iba pang K-dramas na kinahumalingang panoorin ng audience sa buong mundo.
Nang lumabas ang balitang kasalan, ipinost ni Janice sa Instagram (IG) ang picture ng mga ikakasal at nilagyan niya ng caption na “KAILANGAN KO MAGHANAP NG BAGONG MAMAHALIN.”
Sa taping ng isang episode ng Magpakailanman, naikuwento ni Janice na sa sobrang kaadikan niya kay Song Joong-ki, nag-volunteer siya sa manager niyang si Popoy Caritativo na siya na lang ang sasama kay Dennis Trillo nang dumalo ang aktor sa Seoul International Drama Awards. Siya na lang daw ang make-up artist ng aktor o kahit tagabuhat ng mga gamit nito.
Nominated (at nanalo) si Dennis at alam niyang dadalo rin si Song Joong-ki at chance na niyang makita ito ng personal. True enough, nakasama ni Dennis sa stage ang Korean superstar at may selfie picture pa sila.
Unang na-heartbroken si Janice kay Lee Min Ho na una na niyang minahal, pero nang malamang may girlfriend na ang aktor, nabaling ang puso niya kay Song Joong-ki. ‘Kaso, ikakasal na nga ito, kaya goodbye Song Joong-ki si Janice.
Samantala, kasama si Janice sa GMA-7 series na My Korean Jagiya na pinagbibidahan ni Heart Evangelista. Relate na relate si Janice sa story nito na tungkol sa pagkaadik ng karakter ni Heart sa K-dramas at Korean stars. Tita ni Heart ang role ni Janice na tinu-tolerate ang pagkaadik ng pamangkin sa anumang bagay na may kinalaman sa Koreans.