Ni Marivic Awitan
MAS matatag na Creamline squad ang pumagitna para ipadama sa liyamadong BaliPure ang 25-20, 28-30, 25-19, 31-29 kabiguan sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference nitong Miyerkules FilOil Flying V Centre sa San Juan.
Tulad nang inaasahan, pinangunahan ni Alyssa Valdez ang opensa ng Cool Smashers sa naiskor na 37 puntos, tampok ang 34 hits at gabayan ang Creamline sa ikalawang sunod na panalo.
Sinelyuhan ng dalawang powerful smash ni Valdez ang first set bago binigyan ng 24-20 bentahe ang Creamline sa second set bago sumama ang kanilang reception na sinamantala ng Water Defenders upang maagaw ang panalo at maitabla ang laro sa 1-1.
Sinamang -palad namang ma -injured si Balipure star hitter Grethcel Soltones sa third set na naging daan para sa mas magaan na pagdomina ng Cool Smashers.
Gayunman, hindi sila agad-agad sumuko hanggang sa makalapit sa inaasam na decider bago nakabalikwas ang Cool Smashers at tuluyang inangkin ang panalo matapos ang ace ni Valdez at block ni Ivy Remulla kay Jorelle Singh.
“Bali Pure fought really hard. It came down to the breaks of the game talaga,” ani Valdez na nagtala din ng dalawang blocks, isang service ace, at 17 digs.
Naisalba rn ng defending champion Pocari Sweat ang matikas na ratsada ng Banko-Perlas tungo sa 25-21, 22-25, 25-19, 27-25 panalo.
Hataw si Myla Pablo sa nakubrang 23 puntos para sa Lady Warriors, habang kumana sina Cai Nepomuceno na may 14 marker at tumipa sina Jeanette Panaga ng 13 puntos at Elaine Kasilag na may 11 marker.
“Medyo na-rattle ‘yung depensa namin, nag-focus sila sa opensa nila, hindi nila ini-expect na puro drop ball ang ginagawa ng kabila kaya nahirapan kami na mag-adjust," sambit ni Pocari Sweat coach Rico De Guzman.
Naitala rin ng Lady Warriors ang ikalawang sunod na panalo.