Ni NITZ MIRALLES
ITINULOY ni Claudine Barretto ang pagsasampa ng reklamo laban sa basher ng two-year-old daughter niyang si Quia, gaya ng kanyang sinabi.
Nitong nakaraang Miyerkules, pumunta ang aktres sa Cybercrime Division ng National Bureau of Investigation (NBI) para kasuhan na ang basher.
Sa Instagram (IG), nag-post si Claudine ng, “I am a Mom! I am Ready! Ang tanong are you???”
Suportado si Claudine ng majority ng kanyang followers sa hakbang na ginawa niya. Tama lang daw ang kanyang ginawa, na sa halip na awayin ang basher ay ireklamo. Kaya nag-post uli si Claudine.
“Sobra-sobra po akong touched sa lahat po ng comments n’yo. Thank u po sobra-sobra, di po madali para sa isang single mom ang lumaban ng walang katuwang pero kayo po ang nagpapalakas ng loob ko. Salamat po & God bless each & everyone of u.”
Nauna rito, binanggit ni Claudine na nag-direct message sa kanya ang basher at sinabing magpa-public apology ito, pero sinabi ni Claudine na huli na ang lahat dahil nakapagdesisyon na siyang kasuhan ito.