Ni: Ador Saluta
SANGKOT si Gretchen Barretto at ang gaming operator na si Atong Ang sa isang insidente sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na binigyan diumano ng VIP treatment noong nakaraang Linggo, Hulyo 2.
Ayon sa ulat ng 24 Oras nitong Hulyo 4, napag-alaman mula sa Bureau of Immigration (BI) memorandum na sinundo sina Gretchen at Atong ng isang escort upang mapabilis ang pagdaan sa immigration counter.
Grupo umano sina Atong, Gretchen, at ilan pang kasama nang dumating sa NAIA Terminal 1 galing Bangkok, Thailand.
Kinilala ang escort bilang si Ciriaco Peralta, isa umanong retiradong pulis.
Nakasaad din sa memo ng BI port operations division — na may lagda ng acting chief na si Marc Red Parinas at isinumite kay BI Commissioner Jaime Morente — na mayroong suot na access pass mula sa Pass Control Office si Peralta.
Namataan pa raw si Peralta nang ipaalam nito sa isang tauhan ng BI Border Control and Intelligence Unit na siya ang escort na susundo kina Gretchen at Atong.
Naganap ito sa kabila ng mahigpit na pagbabawal ng BI sa pagbibigay ng VIP treatment upang mapabilis ang pagdaan sa Immigration ng dumarating o umaalis na personalidad.
Ngunit nilinaw ni Parinas na sa kanilang paunang imbestigasyon ay lumabas na walang immigration officer na tumulong kay Peralta sa pag-escort kina Atong at Gretchen.
Sa hiwalay na ulat ng GMA News Online, itinanggi ni Atong ang pagkakasangkot niya sa diumano’y VIP treatment incident sa airport, lalo pa’t wala raw siyang kilalang immigration officers.
Aniya, “When I was about to take the long immigration queue, somebody courteously approached me to follow him, which I did without hesitating.
“I do not know the person who approached and guided me... I have not requested for any courtesy assistance.”
Si Atong ay kilalang malapit na kaibigan ni Gretchen at ng longtime partner ng aktres na si Tonyboy Cojuangco.
Sa birthday party ni Gretchen noong March 2016, nagbahagi ang aktres ng Instagram post ng larawan nila ni Tony Boy, Atong, at iba pa niyang mga bisita.
Si Atong ay operator ng online jai alai ng Meridien Vista Gaming Corp at si Gretchen ay kilalang masigasig sa pag-promote ng Okada Manila.
Si Tonyboy ay business partner ng Japanese billionaire na may-ari ng nabanggit na hotel and casino.