UMUSBONG ang mga jihadist ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) sa disyerto ng dalawang bansa sa Gitnang Silangan makaraang mapatalsik sa puwesto si Saddam Hussein sa Iraq noong 2003. Sa sumunod na mga taon, nakubkob nito ang malalawak na lugar sa silangang Syria at hilagang Iraq, sa suporta ng mga mandirigma mula sa iba’t ibang grupong terorista sa mundo. Hunyo 29, 2014 nang makubkob nito ang Mosul sa Iraq at idineklara ang pagkakatatag doon ng “caliphate” ng grupo.
Pursigidong nakipaglaban ang puwersang Iraqi, katuwang ang mga mandirigmang Kurdish, mga katutubong Sunni Arab, at mga armadong Shia, sa ayuda ng koalisyong pinamumunuan ng Amerika, ang puwersa ng Islamic State at ngayong linggo, tinututukan na nila ang mga natitirang lugar na kontrolado ng ISIS sa Mosul. Naging harapan ang bakbakan, isa-isang dinudurog ang mga sniper at mga suicide bomber. Sinabi ng sandatahang Iraqi na nasa 300 teroristang ISIS na lamang ang nasa Mosul mula sa 6,000 nang simulan ang opensiba laban sa mga ito noong Oktubre.
Nangangamba ngayon ang mga sumubaybay sa digmaan sa Mosul na nahaharap ngayon ang Marawi sa Lanao del Sur sa kaparehong problema habang nakatutok ngayon ang gobyerno ng Pilipinas sa pagtataboy sa mga mandirigma ng Maute sa apat na barangay sa siyudad kung saan nagkukubkob ang grupo. Mula nang magsimula ang bakbakan noong Mayo 23, sinabi ng sandatahang lakas na nasa 337 Maute na ang kanilang napatay, kabilang ang ilang banyaga, habang 85 naman ang nalagas mula sa puwersa ng pamahalaan, bukod pa sa 39 na sibilyan nagbuwis ng buhay.
Ang mga nakalipas na parehong pag-atake ng mga grupong gaya ng Abu Sayyaf at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters ay kaagad na natuldukan at kakaunti lamang ang nasawi. Ngunit ang pag-atake ng Maute sa Marawi ay tumagal na ng anim na linggo at wala pang katiyakan kung kailan matatapos. Gaya sa Mosul, ang bakbakan sa Marawi ay sa paraang sinusuyod ang bawat kalye, bawat gusali. Nagkalat sa lansangan ang bangkay ng mga sibilyang nagtangkang tumakas, ilan sa kanila ang pinugutan gaya sa Syria at Iraq.
Totoong hindi ito ang karaniwan nang dalawa- hanggang tatlong-araw lang na engkuwentro ng magkalabang puwersa. Isa nga itong rebelyon, na tinapatan ni Pangulong Duterte ng pagdedeklara ng batas militar sa buong Mindanao. Pinagtibay na ito ng Korte Suprema nang ibinasura nitong Martes ang tatlong petisyon na kumukuwestiyon sa naging basehan ng proklamasyon.
Ngayong naisantabi na ang usaping legal, mainam na tutukan ng bansa ang pagbibigay-tuldok sa rebelyon gamit ang buong puwersa ng pamahalaan, katuwang ang ayuda ng ating mga kaalyado. Ang mga terorista ng Islamic State na pinupulbos sa Mosul, Iraq ay kapareho ng grupong kumukubkob sa apat na barangay sa Marawi City. Ang terorismong matagal na ipinaglaban ng Islamic State sa Gitnang Silangan ay hindi dapat na hayaang mamayagpag sa ating bansa.