Ni: Jun N. Aguirre
NUMANCIA, Aklan – Patay ang tatlong barangay tanod habang dalawang iba pa ang nasugatan matapos silang pagbabarilin sa isang peryahan sa Barangay Camanci Norte sa Numancia, Aklan.
Kinilala ng awtoridad ang mga nasawing tanod na sina Walter Rembulat, 42; Rogelio Saron, 56; at Jeconi Isidro, 35 anyos.
Sugatan naman ang isa pang barangay tanod na si Danilo Villorente, at isang siyam na taong gulang na babae, na kapwa ginagamot sa Kalibo.
Ayon kay Senior Supt. Lope Manlapaz, OIC ng Aklan Police Provincial Office, nagbabantay sa peryahan ang mga barangay tanod nang dumating ang hindi nakilalang suspek bandang 11:00 ng gabi nitong Miyerkules at pinagbabaril ang mga ito.