Ni REGGEE BONOAN
PAGKALIPAS ng isang buwan ay nakita namin si Sylvia Sanchez sa studio ng Tonight With Boy Abunda sa ABS-CBN para sa guesting niya sa Ipaglaban Mo at nagulat kami dahil malaki na ang ibinawas ng timbang niya.
Nagsimulang mag #operationtaba program si Sylvia nitong Hunyo at kinuha niyang trainor ang Southeast Asian Games champion sa track and field at long jump na si Ms. Elma Muros-Posadas. Apat na araw sa isang linggo ang training nila sa ULTRA, simula 6:30AM hanggang 1PM.
Kaya pala mahigit isang buwan kaming hindi kinokontak ng aktres dahil abala siya sa pagpapapayat.
Pilit naming inalam kung bakit siya nagpapayat, e, dati naman dedma siya.
“Wala lang, gusto ko lang, mahirap din kasi ang mataba, nahihirapan akong gumalaw o kumilos,” katwiran niya.
Hmmm, agad-agad? At dahil sa #operationtaba program, aminado si Ibyang na wala siyang silbi ngayon dahil sa pagod at hirap na nararanasan.
“Tulala ako minsan. Pagkagaling ko ng training, maliligo lang ako, ‘tapos tulog na, gabi na ako gigising para makita ko naman ang pamilya ko. ‘Tapos ganu’n na naman the following day, training, uwi ng bahay tutulog, basta from Monday hanggang Thursday. ‘Pag Sabado, doon ko pa lang nagagawa ‘yung mga dapat kong gawin, pero wala pa rin, feeling ko pagod na pagod pa rin ako, kaya tulog ako nang tulog.”
Mas naging lantang gulay si Sylvia nang mag-taping siya ng Ipaglaban Mo sa Boso-Boso dahil ilang oras lang ang tulog niya at nagti-training pa rin.
“Nakita ‘yung braso ko na medyo laylay na kasi pumayat ako, hayun, pinagbuhat ako ng barbell, heto, hindi ko maidiretso ang kanang kamay ko, sobrang sakit, ininuman ko na nga ng gamot,” kuwento pa ng aktres.
Samantala, itinanong namin kung ano ang susunod na soap drama ni Ibyang.
“Meron daw, wala pa naman sinasabi. Walang konkretong sinabi, sabi lang meron. Eh, habang naghihintay ako, eh, di mag-Ipaglaban Mo muna ako para may kita pa rin,” sagot sa amin.
Mapapanood ang Ipaglaban Mo ni Sylvia na may titulong “I Am Testigo” sa Sabado pagkatapos ng It’s Showtime kasama si JC Santos na gaganap bilang anak niya na isang pipi.
“Kaya ako ang boses ng anak ko,” aniya.
Kumustang katrabaho si JC?
“Marunong siya, mabait na bata,” sagot ng aktres.