TINALAKAY ang mabagal na pag-usad ng mga election protest sa bansa sa pulong ng Philippine Constitution Association (Philconsa) nitong Biyernes, at sinisi ng dating kongresista ng Biliran na si Glenn Chong ang mga kapalpakan sa mismong proseso ng halalan.
“On the average,” aniya, “election protests covering the presidential polls take about three to four years to get resolved, and in all cases, the protest is overtaken by the next elections.” Karaniwan nang kumakandidato sa susunod na eleksiyon para sa ibang posisyon ang nagpetisyon, kaya naman nawawalan na ng silbi ang protesta. Ito ang nangyari sa kaso ni dating Secretary Mar Roxas sa protesta niya laban kay Vice President Jojo Binay pagkatapos ng halalan noong 2010. Sa sumunod na eleksiyon noong 2016 ay naghain siya ng kandidatura sa pagkapangulo. Dahil dito isinantabi na ng Presidential Electoral Tribunal (PET) ang kanyang protesta.
Sa pulong ng Philconsa at sa mga nakaraang iba pang forum, nagpahayag ng pangamba si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na ganito rin ang mangyayari sa protesta niya laban kay Vice President Leni Robredo. Ilang beses nang hiniling ni Marcos sa PET — na binubuo ng mga mahistrado ng Korte Suprema — na bilisan ang proseso, kabilang ang pagtatalaga ng tatlong bagong hearing commissioner upang himayin ang naging resulta ng botohan sa 39,221 clustered precinct sa 22 lalawigan at limang siyudad.
Isa itong malaking tungkulin na nangangailangan ng pagsusuri sa 36,465 counting machine ng Smartmatic na ginamit ng Commission on Elections (Comelec) para sa eleksiyon noong 2016 sa mahigit 17 milyong balotang prinoseso nito.
Kumplikado ang sitwasyon dahil ang mga nasabing makina ay nirentahan lamang ng Comelec, na kailangang ibalik sa Smartmatic o bayaran ng P2 bilyon upang tuluyang bilhin ang mga ito.
Nag-aakusa ang panig ni Marcos ng pagkakaroon ng mga markado nang balota, preloading ng mga digital storage card, maling pagbasa ng makina sa mga balota, iba pang kapalpakan sa pagbibilang ng makina, at isang “abnormally high” na bilang ng mga hindi nabilang na boto at under-votes para sa posisyon ng pagka-bise presidente.
At may sarili niyang protesta si Vice President Robredo. Kinuwestiyon niya ang resulta ng 8,042 clustered precinct sa bansa.
Sinabi ni dating Congressman Chong na hindi pa man nakalalampas sa preliminary conference ang kasong inihain ni Marcos makalipas ang isang taon. Ang isang dahilan ng pagkakaantala, na binigyang-diin ni Vice President Robredo nang magsalita siya sa isa pang forum kamakailan, ay napakaraming iba pang mahahalagang kaso ang nililitis ng Korte Suprema, kabilang na ang mga petisyong inihain laban sa pagdedeklara ni Pangulong Duterte ng batas militar sa Mindanao.
Sinabi ni Corazon Akol, ng National Movement for Free Elections (Namfrel), na nakikipagpulong na ang kanilang grupo sa ilang mambabatas para sa panukalang batas na lilikha ng bagong automated election scheme na makaiiwas sa maraming iregularidad na gaya ng alegasyon sa mga election protest.
Habang binubusisi ng Hudikatura, sa pamamagitan ng PET, ang mga election protest, nakasalalay naman sa Kongreso ang pagkakaroon ng mas komprehensibong tugon sa mga duda at katanungan tungkol sa umiiral na sistema ng automated elections sa ating bansa — maaaring isang hybrid system ng manu-manong botohan at pagbilang na may awtomatikong pagpapadala ng mga resulta, para sa mas madaling pagtunton sakaling may mga pagkuwestiyon sa mga nabilang na boto o election protest.