Ni ANNA LIZA VILLAS-ALAVAREN
Kailangan nang tigilan ng mga motorista ang paggamit ng kani-kanilang mobile phone habang nagmamaneho dahil sisimulan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ngayong Huwebes, Hulyo 6, ang mga lalabag sa muling ipatutupad na Anti-Distracted Driving Act (ADDA).
Sinabi ni Victor Nuñez, legal at legislative affairs staff ng MMDA, na gagamitin ng ahensiya ang daan-daang closed circuit television (CCTV) camera nito upang tukuyin ang mga driver ng mga pampublikong sasakyan at mga pribadong motorista na gumagamit ng kanilang mga mobile communication device upang magbasa, magsulat o magpadala ng mensahe, tumawag o sumagot ng tawag, mag-browse sa social media, mag-games, at manood ng pelikula.
Alinsunod sa ADDA, mariing ipinagbabawal ang paggamit ng mga electronic equipment o computing device habang nagmamaneho o pansamantalang nakahinto sa traffic light o sa intersection.
Sinabi ni Nuñez na nasa 30 tauhan ng Metrobase Command Center ang sumailalim sa pagsasanay noong nakaraang linggo bilang paghahanda sa muling pagpapatupad ng ADDA, na sinuspinde noong Mayo dahil sa mga inaning batikos.
Ipadadala ng MMDA ang mga summon, na may kumpletong detalye ng paglabag, sa mga pasaway na motorista, na tutukuyin batay sa plate number ng mga ito.
Batay sa No Contact Apprehension policy, may pitong araw ang may-ari ng sasakyan upang bayaran ang multa sa MMDA o sa alinmang sangay ng Metrobank.
“Should they fail to settle the fine; the MMDA will send final notice after seven days. At this point, motorists must not ignore the notice or it will be reported to the Land Transportation Office and violators would be included in the alarm list,” babala ni Rivera.
Saklaw ng ADDA ang mga pangunahing kalsada, kabilang ang EDSA, Commonwealth Avenue, Diosdado Macapagal Avenue, Marcos Highway, Roxas Boluevard, C5 Road, Quezon Avenue, at iba pa.
Nasa P5,000 ang multa sa unang paglabag, P10,000 sa ikalawa, P15,000 sa ikatlong paglabag bukod pa sa sususpendihin ang lisensiya, at pagbawi sa lisensiya at P20,000 multa sa mga susunod na paglabag.