Ni: Argyll Cyrus B. Geducos
Sinabi kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na target din ng kanilang operasyon sa ilalim ng martial law sa Mindanao maging ang New People’s Army (NPA) at mga sindikato ng droga.
Inihayag ito matapos pagtibayin ng Supreme Court (SC) nitong Martes ang deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ng martial law sa Mindanao sa pagsiklab ng digmaan sa Marawi City, Lanao del Sur noong Mayo 23, 2017.
Sinabi ni AFP spokesperson Gen. Restituto Padilla, sa Mindanao Hour press briefing kahapon ng umaga, na target din ng kanilang operasyon ang NPA kasunod ng direktiba ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa armadong sangay nito na paigtingin ang mga pag-atake laban sa mga tropa ng pamahalaan sa Mindanao.
“They issued a directive that said they should heighten or enhance the attack against the PNP (Philippine National Police) and the Armed Forces. That was just an answer to that. If there were no declaration then that would not have been a problem,” ani Padilla.
Gayunman, sinabi ni Padilla na ang operasyon laban sa NPA ay hindi makaaapekto sa gaganaping peace talks sa mga rebelde sa Agosto.
“The NPA and the Armed Forces are in a talk-and-fight and fight-and-talk situation. But it would have been more desirable to have the silencing of the guns when the peace talks is ongoing,” aniya.
Hindi rin nila patatawarin ang mga sindikato ng droga.
“It’s just doing economies of scale. Nandoon ka na rin naman -- you’re conducting military operations and security operations--kung mahahagip mo na rin ‘yung mga masasamang loob diyan na involved sa drugs, bakit hindi mo pa gagawin?” ani Padilla.
Ginunita ni Padilla ang pagkasamsam ng mga sundalo ng 11 kilo ng shabu at mga drug paraphernalia mula sa kuta ng Maute Group sa Marawi City.
Nauna nang sinabi ni Pangulong Duterte na pinopondohan ng drug personalities ang terorismo sa Mindanao.