Ni: Light A. Nolasco
CABANATUAN CITY - Isang bagitong negosyante ang pinatay ng hindi pa nakikilalang motorcycle riding-in-tandem sa lugar ng kanyang negosyo sa Barangay San Josef Sur sa Cabanatuan City, Nueva Ecija, nitong Martes ng gabi.
Sa ulat na ipinarating ni Supt. Ponciano Zafra, hepe ng Cabanatuan City Police, kay Nueva Ecija Police Provincial Office director Senior Supt. Antonio C. Yarra, nakilala ang biktimang si Christopher John Alfonso De Guzman, 27, ng Kapitan Pepe Subdivision, Bgy. San Josef Sur, na nagtamo ng ilang tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan mula sa hindi pa matukoy na kalibre ng baril.
Nabatid na dakong 7:30 ng gabi nang makatanggap ng tawag sa telepono si SPO2 Ronald De Joya tungkol sa pamamaril.
Nasa loob mismo ng kanyang Street Shack Snack House si De Guzman nang malapitan siyang pagbabarilin ng isang motorcycle rider na kaagad ding tumakas.
Hindi pa matukoy ng pulisya ang motibo sa pamamaslang.