Ni: Bella Gamotea
Tatlong beses na nagkaaberya ang operasyon ng Metro Rail Transit (MRT)-3 kahapon.
Sa ulat, dakong 8:35 ng umaga unang nagkaproblema sa signaling system ng tren sa southbound ng North Avenue hanggang Quezon Avenue stations, kayat nahinto ng 20 minuto ang biyahe.
Dakong 11:30 ng umaga, nagkaaberya naman ang isa pang tren sa Cubao station northbound dahil sa problemang teknikal kayat pinalipat ang mga pasahero sa kasunod na tren.
Muling nagpatupad ng provisional service ang MRT-3 mula North Avenue hanggang Shaw Boulevard stations at pabalik dakong 2:11 ng hapon nang sumabit ang kapirasong tela sa kawad ng kuryente sa pagitan ng northbound ng Ayala at Buendia stations sa Makati City. Bandang 3:13 ng hapon bumalik sa normal ang operasyon ng tren.