MULING itinaas ng GMA Network ang bandila ng Pilipinas sa naiuwing pitong medalya at limang certificates mula sa prestihiyosong 2017 US International Film & Video Festival.
Iginawad sa I-Witness episode na “Busal” ang Gold Camera award sa Documentary: News Programming-Public Affairs Programs category. Ipinakita sa dokumentaryong ito ni Howie Severino ang hinaing at pag-asa ng mga indibidwal mula sa pinakamahirap na sektor ng lipunan tungkol sa kampanya kontra-droga ng kasalukuyang administrasyon.
Nominado rin ang “Busal” para sa Best of Festival Award, na iginagawad sa natatanging entry mula sa mga Gold Camera awardees.
Pinagkalooban naman ng dalawang Silver Screen award ang Front Row, para sa episode na“Bata sa Bintana” at “Mga Barya ni Lola Maria”.
Nagwagi ang “Bata sa Bintana” sa Documentary: Health/Medical category. Ang episode na ito ay tungkol sa 13-taong gulang na si Zoren na dahil sa kanyang karamdaman ay hindi na makalakad at makalabas ng bahay.
Ang “Mga Barya ni Lola Maria” naman ay nanalo sa Documentary: Biography category. Sa kabila ng kanyang edad, patuloy ang 74-taong-gulang na si Lola Maria sa pagsisid sa karagatan para manguha ng mga barya. Dito kasi siya kumukuha ng panggastos para sa pagkain at pag-aaral ng kanyang mga apo.
Tumanggap din ng Silver Screen award ang“Body Collector” episode ng I-Witness sa Documentary-Current Affairs category. Ipinalabas ang dokumentaryong ito ni Cesar Apolinario noong panahong mainit ang isyu sa extrajudicial killings.
Silver Camera awardee rin ang episode ng Motorcycle Diaries na “Lason sa Paraiso” para sa Documentary-Environment, Ecology category. Binalikan ng dokumentaryong ito ang Boac, Marinduque at ang mga residente nitong patuloy pa ring bumabangon mula sa 1996 mining disaster.
Umani rin ng Silver Screen award ang GMA News TV program na Reel Time sa Documentary: Political, Government category para sa “Maling Akala” episode. Tampok dito ang kuwento ng ilan sa mga namatay kaugnay ng anti-drug campaign mula nang maupo si Pangulong Rodrigo Duterte.
Nagwagi rin ng Silver Screen award ang GMA Entertainment program na I-Bilib. Ang weekly infotainment show ni Chris Tiu ay kinilala sa Entertainment: Children’s category.
Ilang Certificate for Creative Excellence naman ang nakuha ng GMA Network para sa mga sumusunod: Alamat (Entertainment: Children category); “Pasan-Pasang Pangarap” ng Reporter’s Notebook (Public Affairs Programs category); “Abo at Buhangin” ng Brigada (Magazine Format category); “Isinulat sa Tubig” ng Reel Time (Social Issues category); at Idol sa Kusina (Cooking category).
Limampung taon nang kinikilala ng US International Film & Video Festivals ang mga natatanging corporate, education, entertainment, documentary, at student production sa iba’t-ibang panig ng mundo.