Ni JEL SANTOS

Isang sanggol ang umano’y pinatay at itinapon sa kanal ng kanyang tiyahin na aminadong nasa impluwensiya ng ilegal na droga nang isagawa ang krimen sa Caloocan City, nitong Martes ng gabi.

Ayon kay Caloocan Police chief Sr. Supt. Chito Bersaluna, inamin ni Maria Ruth Mariano, 23, ang pagpatay sa “nakakairita” niyang isang taong gulang na pamangkin habang bangag sa droga.

Sinabi ni Mariano na maliligo na sana siya matapos bumatak ng dalawang pakete ng shabu sa loob ng kanyang bahay sa Barangay 70, Caloocan, bandang 6:00 ng gabi. Habang siya ay papasok sa banyo, narinig niyang umiyak ang kanyang pamangkin. Sinubukan umano niyang pakalmahin ang bata, ngunit hindi ito tumigil sa pag-iyak.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ayon pa umano sa suspek, ibinalot nito sa kumot ang sanggol at ipinasok sa aparador upang hindi marinig ang pag-iyak.

Base sa ulat, nakatulog ang suspek pagkatapos maligo.

Nang magising, naalala niya na nasa loob pa ng aparador ang pamangkin.

“She told us that she took the baby outside the cabinet, but was not breathing. She then decided to throw the baby to a nearby canal,” ayon kay Bersaluna.

Napag-alaman na nasa trabaho ang magulang ng bata nang mangyari ang insidente.

Habang hinahanap ng nag-aalalang lola ang sanggol, sinabi ng kapitbahay na nakita niyang may itinapon sa kanal ang suspek.

Nang silipin, nakita ng matanda ang kanyang apo sa loob ng kanal at putlang-putla.

Tinangka pang isugod ang sanggol sa pinakamalapit na ospital, ngunit patay na ito.

Inaresto si Mariano, kasalukuyang nakakulong sa Caloocan Police headquarters, noong araw ding iyon.