Nina FER TABOY at FRANCIS WAKEFIELD

Dalawang pugot na mga bangkay ng Vietnamese ang natagpuan sa Barangay Tumahubong sa Sumisip, Basilan, kahapon ng umaga.

Kinilala ang mga bangkay na sina Hoang Thong at Hoang Va Hai, na kabilang sa anim na tripulanteng dinukot mula sa Vietnamese cargo vessel na MV Royal16 noong Nobyembre 11, 2016 sa karagatan ng Sibago Island sa Basilan.

Ayon kay Col Juvymax Uy, commander ng Joint Task Force Basilan, natagpuan ang mga bangkay dakong 5:40 ng umaga kahapon.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sinabi ni Uy na isinailalim na sa forensic examination ang dalawang bangkay.

Ang isa pa sa mga tripulante, si Hoang Vo, 28, ay na-rescue ng militar sa Sampinit Complex sa Sumisip noong nakaraang buwan.

Naniniwala ang militar na buhay pa at kasalukuyan bihag ng Abu Sayyaf ang tatlo pang tripulanteng Vietnamese na sina Pham Minh Tuan, Do Trung Hieu, at Tran Khac Dung.

“We grieve and we strongly condemn the barbaric beheading of another kidnap victims in Basilan province. For months now, many sectors in the society, including the Armed Forces of the Philippines and the PNP exhausted all efforts to rescue these kidnap victims who are still in the hands of the ASG,” pahayag naman ni Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom) chief Lieutenant Gen. Carlito G Galvez, Jr.