Ni: Light A. Nolasco
TALAVERA, Nueva Ecija - Bumagsak sa kamay ng tracker team ng pulisya ang isang tindero ng manok na limang taon nang pinaghahanap sa kasong panggagahasa, makaraang makorner sa Barangay Andal Alino sa Talavera, Nueva Ecija.
Sa ulat na ipinarating ni Supt. Joe Neil E. Rojo, OIC ng Talavera Police, kay Nueva Ecija Police Provincial Office director Senior Supt. Antonio C. Yarra, kinilala ang suspek na si Bon BJ Garcia y Deladia, nasa hustong gulang, at residente sa nasabing lugar.
Nasakote ang suspek sa bisa ng arrest warrant na ipinalabas ni Judge Anarica J. Castillo-Reyes, ng Regional Trial Court (RTC) Branch 88 sa Sto. Domingo na may petsang Mayo 3, 2012, para sa kasong rape at walang inirekomendang piyansa para sa pansamantala niyang paglaya.