Ni: Genalyn D. Kabiling
Nag-isyu si Pangulong Duterte ng ad interim appointments sa apat na miyembro ng Gabinete na inaasahang aaprubahan ng Commission on Appointments (CA).
Muling itinalaga sina Social Welfare Secretary Judy Taguiwalo, Health Secretary Paulyn Ubial, Agrarian Reform Rafael Mariano, at Environment Secretary Roy Cimatu.
Nilagdaan ng Pangulo ang appointment papers nitong Hunyo 1 ngunit inilabas ng Palasyo kahapon, Hulyo 4.
Kamakailan lang ay na-bypass ng CA sina Taguiwalo, Ubial at Mariano nang magdesisyong hindi magsagawa ng hearing para sa kanilang pagkakaluklok dahil sa kakulangan sa oras.
Nakatakdang dumalo si Cimatu, itinalaga sa DENR nitong Mayo, sa CA hearing.
Nagsara ang Kongreso nitong nakaraang buwan at nakatakdang magbukas kasabay ng State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo sa Hulyo 24.
Inihayag din ng Palasyo ang iba pang bagong government appointments sa financial sector ng bansa.
Si Nestor Espenilla, Jr. ang itinalagang bagong governor ng Bangko Central ng Pilipinas (BSP) at manunungkulan hanggang Hulyo 2, 2023, kapalit ni Amando Tetangco, Jr.
Ang mga bagong miyembro ng Monetary Board ay sina Antonio Abacan Jr., Felipe Medalla, at Peter Favila.
Itinalaga rin sina Erwin Enad bilang miyembro ng Career Executive Service Board; Robert Tan, sa Al-Almanah Islamic Investment Bank of the Philippines board; Sarah Arriola at Jose Luis Montales, bilang undersecretaries ng Department of Foreign Affairs; at Abdulgani Macatoman, assistant secretary ng Department of Trade and Industry.