Ni: Genalyn D. Kabiling

Itutuloy ng gobyerno ang peace negotiations sa mga komunistang rebelde sa susunod na buwan.

Ngunit bago ang ikalimang serye ng mga pag-uusap, sinabi ni Labor Secretary at chief government negotiator Silvestre Bello III na kailangan munang magkasundo ang dalawang partido na magdaos ng informal meeting ngayong buwan para talakayin ang panukalang socio economic reforms at interim ceasefire.

Napagkasunduan ang arrangement ng mga negosasyon sa pag-uusap nina Bello at National Democratic Front (NDF) panel chair Fidel Agcaoili nitong Linggo.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

“We have an initial understanding that we will probably have the - iyong naudlot na fifth round, will be probably realized second or third week of August,” ani Bello sa press briefing sa Palasyo.

“But before that para maganda, this time we will have a good result, there will be an informal meeting between the panels and the meeting may be in Asia or in the Philippines,” dugtong niya.

Sinabi niyang isinuhestyon ng NDF na sa Japan idaos ang informal talks ngunit hiniling niya na muli itong pag-isipan dahil malayo ito. Sa halip ipinanukala ni Bello na gawin ang pagpupulong dito sa Pilipinas o sa Hong Kong.

Nang tanungin tungkol sa petsa ng informal negotiations, sinabi ni Bello na gagawin ito sa ikatlo o huling linggo ng Hulyo.

“There will be an informal meeting and they will discuss mainly on the issue of socioeconomic reforms and possible interim unilateral ceasefire,” aniya.

“Mag-uusap na sila para pagdating ng August, maliwanag na and it will only be for submission to the panel for formal approval by the panels,” aniya.

Tungkol sa panukalang interim ceasefire, sinabi ni Bello na ikinokonsidera ng dalawang panig ang paglikha ng joint team upang subaybayan ang tigil-putukan habang isinasagawa ang mga pag-uusap. Inamin niyang sensitibong usapin sa negosasyon ang pagpili ng “referee”.

Positibo pa rin si Bello na matatamo ang kapayapaan sa mga komunistang rebelde. “There is always hope for a peace process,” aniya.

“This is the best legacy that our President can give to our country - an enduring and lasting peace for everyone,” dugtong niya.