Ni: Beth Camia at Genalyn Kabiling

Inihayag kahapon ng Malacañang na P3.767 trilyon ang kabuuang halaga ng panukalang pambansang budget para sa 2018.

Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na ito ang iprinisinta ni Budget Secretary Benjamin Diokno sa Cabinet meeting nitong Lunes.

Inaasahang isusumite ito sa Kongreso kasabay ng paglalahad ni Pangulong Duterte ng kanyang State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 24.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ayon kay Abella, mas malaki ito ng 12.4 porsiyento kumpara sa kasalukuyang budget ngayong taon na P3.35 trilyon.

Nangunguna pa rin ang Department of Education (DepEd) sa may pinakamataas na budget, kasunod ang Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Health (DoH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Agriculture (DA), Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) at Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Sinabi ni Abella na sa budget allocation, ayon sa expense class, 29.4 na porsiyento ang mapupunta sa personnel services, 25.4 na porsiyento para sa infrastructure at capital outlays, 16 na porsiyento para sa mga local government unit, 14.5 porsiyento para sa maintenance, 9.8 porsiyento para sa pambayad-utang, at 4.5 porsiyento para sa government-owned and controlled corporations.

Samantala, tinalakay din umano sa Cabinet meeting ang paghahanda para sa rehabilitasyon ng Marawi City, partikular ang pangangalaga sa internally displaced persons (IDPs) na biktima ng krisis.