Ni: Freddie G. Lazaro
CAMP PRESIDENT QUIRINO, Ilocos Sur – Patay ang isang barangay chairman matapos siyang barilin ng kanyang kapitbahay sa Barangay Salvacion, Tagudin, Ilocos Sur, nitong Lunes.
Sinabi kahapon ni Chief Insp. Honesto Lazo, tagapagsalita ng Ilocos Sur Police Provincial Office, na hindi na umabot nang buhay sa ospital si Baltazar Lodia Sr., 60, chairman ng Bgy. Salvacion, Tagudin, dahil sa matitinding tama ng bala na tinamo nito sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Ayon kay Lazo, nakatakas si Rufino Gonzaga, 46, welder, tubong Daram, Samar, at pansamantalang nakatira sa Bgy. Salvacion, Tagudin.
Nabatid na dakong 6:00 ng gabi nang magkaroon ng kumprontasyon sina Lodia at Gonzaga hanggang sa barilin ng huli ang biktima.
Tinutugis na ngayon ng pulisya ang suspek, ayon kay Lazo.