SA paglalahad ni Pangulong Dutete ng ikalawa niyang State-of-the-Nation Address (SONA) sa Hulyo 24, Lunes, maaalala ng bayan ang mga planong inihayag niya at mga pangakong binitiwan niya sa una niyang SONA noong Hulyo 23, 2016, gayundin ang kanyang inaugural address isang buwan bago ito, noong Hunyo 30, 2016. Inihahanda na ngayon ng Malacañang ang SONA ng Pangulo, sinabi ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar.

Sa simula ng una niyang SONA, sinabi ng Pangulo na wala siyang balak na banggitin ang mga pagkakamali ng nakalipas na administrasyon ngunit tiniyak na mananagot ang lahat ng dawit sa mga anomalya. Dapat niyang iulat sa susunod niyang SONA ang mga opisyal — mga alkalde at gobernador, mga barangay chairman, pulis, mambabatas at iba pang kawani ng pamahalaan — na nakasuhan at naipakulong na.

Kinilala rin ng Pangulo ang mga karapatang pantao, katarungang panlipunan, pananaig ng batas, at pagpapabuti sa kapakanan ng publiko sa larangan ng kalusugan, edukasyon, pagkain, pabahay, pangangalaga sa kalikasan, at paggalang sa kultura. Maaari ring muli niyang bigyang-diin ang paninindigan niya sa mga usaping ito.

Nangako ang Pangulo na dudurugin ang Abu Sayyaf at iba pang grupong kriminal sa maigting na pakikipag-ugnayan sa Indonesia at Malaysia. Sa kanyang susunod na SONA, tiyak na tututukan niya ang isa pang grupong terorista sa Mindanao — ang Maute — na sa kasalukuyan ay ang pinakamalaking problema ng bansa ngayong 2017, at nagbunsod upang magdeklara ang Presidente ng batas militar sa buong Mindanao.

Noong nakaraang taon, umapela si Duterte sa mga organisasyong Bangsamoro, gayundin sa New People’s Army, na tulungan ang gobyerno sa pagbibigay-tuldukan sa mga bakbakan sa bansa. Posibleng iulat niya ngayon ang tungkol sa inaasahan niyang kapayapaan mula sa mga pinunong Moro, subalit maaari ring magpahayag ng pagkadismaya sa pagsisikap niyang makipag-ayos sa mga opisyal ng mga rebeldeng komunista.

Binanggit ng Pangulo noong nakaraang taon ang kanyang mga inaasam at plano para sa ekonomiya. Mas marami siyang kailangang iulat sa susunod niyang SONA, partikular ang tungkol sa napakarami niyang proyektong imprastruktura, kabilang ang mga kalsada at tulay, train system, ferry systems, paliparan at pantalan, na pawang napaglaanan na ng bilyun-bilyong piso.

Sa larangan ng likas na yaman, nangako si Pangulong Duterte noong 2016 ng mas pursigidong kampanya laban sa ilegal na pagtotroso at ilegal na pagmimina, gayundin ang pagbabalik ng mga mangingisda sa Laguna de Bay. Sa Hulyo 24, tiyak nang babanggitin niya ang maseselang usaping ito, kabilang ang maikling kampanya ng isang miyembro ng kanyang gabinete upang pasiglahin at bigyan ng bagong mukha ang industriya ng pagmimina sa bansa.

Namayagpag sa unang taon ng administrasyon ang kampanya kontra ilegal na droga, at dahil dito ay nasangkot si Pangulong Duterte sa kontrobersiya sa mga opisyal ng United Nations, European Union, at Amerika. Dapat na magbigay ang Presidente ng komprehensibong ulat sa bansa, kabilang ang mga estadistika ng nasawi sa magkabilang panig, mga plano sa rehabilitasyon, at ang pagpapatuloy ng kampanya kontra droga.

Napagitna rin ang Pilipinas sa mahahalagang pangyayaring pandaigdig. Naging mas masigla ang ugnayan nito sa China at Russia sa pagpupursige ng isang mas nakapagsasariling polisyang panlabas. Naging sentro rin tayo ng mga gawaing terorismo ng Islamic State sa bahagi nating ito sa mundo.

Sa nakalipas na isang taon pa lamang ng bagong administrasyon, napakarami nang pagbabago ang nasilayan sa ating bansa, at naaapektuhan tayo ng mga ito sa napakaraming paraan. Dahil dito, inaantabayanan natin ang ikalawang State of the Nation Address ni Pangulong Duterte sa Hulyo 24, 2017.