Ni: PNA

PINAALALAHANAN ng Department of Health ang publiko laban sa mga “WILD” na sakit ngayong tag-ulan.

Kabilang sa mga WILD disease ang nagmumula sa Water, Influenza, Leptospirosis at Dengue.

Ayon sa tagapagsalita ng Department of Health na si Dr. Eric Tayag, kabilang sa mga sakit na nakukuha sa tubig ang diarrhea na isa sa mga tiyak nang epekto kung makaiinom ng kontaminadong tubig.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

“There is a possibility that drinking water sources maybe contaminated by rainwater especially in those area where there is poor sanitation,” pagpapaliwanag ni Dr. Tayag.

Bilang payo, inirerekomenda ng Department of Health ang paggamit ng mga hyposol o chlorine tablet upang malinis ang inuming tubig.

Dagdag ni Tayag, ang influenza ay isa ring sakit na dapat bantayan tuwing tag-ulan, dahil karaniwan nang nararanasan ng publiko ang pagkakaroon ng ubo, lagnat at trangkaso kapag ganitong panahon.

Bilang proteksiyon, nagbibigay ang Department of Health ng mga bakuna laban sa trangkaso at pneumonia sa mga nakatatanda.

Tungkol naman sa leptospirosis, sinabi ni Tayag na mahalagang maprotektahan ang sarili mula sa maruming baha na kontaminado ng ihi ng daga, na maaaring pumasok sa bukas na mga sugat kung lumulusong sa baha.

Bilang proteksiyon, inirerekomenda ng Department of Health ang paggamit ng bota kung kailangan talagang lumusong sa baha.

Binigyang-diin din ni Dr. Tayag na mahalagang malaman ng publiko kung paano maiiwasan ang nakamamatay na sakit na dengue, na kinabibilangan ng iba pang sakit na nakukuha sa kagat ng lamok, tulad ng zika at chikungunya.

Kabilang sa mga paraan upang maiwasan ang dengue at iba pang mga sakit na dala ng lamok ang paghahanap at pagsira sa mga pinangingitlugan ng mga lamok; pagtalima sa mga panuntunan upang maprotektahan ang sarili (tulad ng pagsusuot ng damit na may mahabang manggas, pajama, paggamit ng kulambo at iba pang pantaboy sa lamok); at marami pang iba.

Nanawagan din ang Department of Health sa publiko na kaagad kumonsulta kapag nakakaramdam ng sintomas ng mga nabanggit na WILD diseases, lalo ngayong tag-ulan.

Sinabi rin ng kagawaran na handa itong magbigay ng lunas sa sinumang tatamaan ng mga health center at iba pang pampublikong pasilidad ng kagawaran.

“So, ‘pag sinabi nating handa ang DoH, dapat ay handa ang bawat isa sa atin sapagkat kung alam naman natin kung ano ang dapat gawin at maiiwasan nating magkasakit ngayong tag-ulan, tayo ay hindi magiging problema sa mga doktor at kayo ay hindi a-absent at tuluy-tuloy sa pagpasok, lalo na ‘yung may mga trabaho,” dagdag pa ng health official.