Ni: Beth Camia
Nanganganib na makulong at makasuhan ng paglabag sa child pornography at anti-voyeurism laws ang mga miyembro ng bawat Facebook (FB) page na sangkot sa pagpapakalat ng malalaswang larawan.
Ayon kay National Bureau of Investigation (NBI)-Cybercrime Chief Atty. Martini Cruz, ito ay babala laban sa FB page na “Pastor” at “Pastor Hokage Bible Study.”
Aniya, bukod sa nagpo-post ng maseselang larawan at video, wala rin itong pahintulot mula sa mga may-ari.
Nabatid din na naglalagay ng mahahalay na komento ang mga miyembro nito at gumagamit pa ng mga salita sa Bibliya gaya ng “Amen,” na nangangahulugan ng pagsang-ayon sa post.
Dahil dito, nanawagan ang NBI sa mga nabiktima ng mga nasabing FB page na maghain ng reklamo.