Ni REGGEE BONOAN
SA blowout ni Quezon City Mayor Herbert Bautista para sa entertainment press na ginanap sa Salu Restaurant, Scout Torillo cor. Scout Fernandez Streets, QC, tinanong namin ang punong abala na si Mrs. Harlene Bautista-Tejedor kung ano ang plano ng kuya niya pagkatapos ng termino nito bilang alkalde ng QC.
Plano ba nitong kumandidato sa mas mataas na posisyon at kung ang nag-iisang kapatid na babae ang papipiliin ay ano ang gusto niya para sa kanyang kuya?
“Hindi ko nga alam, eh. May senator, may Congress. Ako, mas gusto ko sana senator, because mas bagay sa kanya. Sa tingin ko, mas marami siyang magagawa as a senator. He’s a good executive, he’s a good ‘yung ano... action siya, ‘yung implementation. Hindi ‘yung gumagawa ng batas, nakaupo lang, ganyan. Hindi siya ganu’n, eh. Although talagang ma-research, maaral,” kuwento ng little sister ni Bistek.
Hindi itinanggi ni Harlene na okay sa kanya kung aalukin siyang pasukin ang pulitika.
“Open naman ako kasi doon naman ako lumaki, so wala naman akong qualms about it.”
Kinumusta rin namin kung may love life ang kuya niya at kung magpapakasal pa ba ito.
“’Yan ang tanong, tanong ko rin ‘yan, eh. Si Kuya is 49 years old na, mayroon pa ‘yan, may pag-asa pa, pinagno-novena ko ‘yan.”
Bakit maingay na naman na sila ni Kris Aquino?
“Hindi ko rin alam, baka tsismis lang ‘yun.”
Ayon kay Harlene, nagkakausap sila ni Kris.
“Okay naman kami, kapag nag-gi-guesting kami, nag-uusap naman kami. Nu’ng wake ni Papa (Butch Bautista), okay kami.”
Walang alam si Harlene sa real score nina Bistek at Tetay, pero sa pagkakaalam niya, “They’re the best of friends, kasi siguro magkasundo sila sa mga bagay na napag-uusapan nila.”
Umaasa si Harlene na matagpuan na ng kuya niya ang babaeng makakatuluyan nito.
“Aminin natin, malungkot, di ba? Kaya sobrang sakripisyo na talaga ni Kuya, sana makahanap na siya ng babaeng kasundo niya, na mapapangasawa niya, kasi wala siyang kasama sa bahay niya, driver at kasambahay lang, so kawawa naman siya,” pahayag ni Harlene.
Samantala, ang Heaven’s Best Entertainment movie outfit ng magkakapatid ay co-producer sa pelikulang Larawan na planong isali sa Metro Manila Film Festival 2017.