HINDI man naganap ang minimithing rekord na walong sunod na kampeonato sa junior division, marubdob ang pagnanais ng San Beda Red Cubs na maibalik ang dominasyon sa paglarga ng NCAA Season 93 basketball tournament simula sa Sabado (Hulyo 8) sa MOA Arena.

Nabigo ang Red Cubs nang gapiin ng Mapua Red Robbins sa Finals sa nakalipas na season.

Hindi man buo ang kalusugan ng na-injured na sina Germy Mahinay, Ry dela Rosa, Robi Nayve at Eduardo Velasquez, Jr. matatag si coach JB Sison sa kampanya ngayong taon.

“Our preparation has been hampered by these injuries,” sambit ni Sison sa kanyang pagbisita kahapon sa PSA Forum sa Golden Phoenix Hotel sa Pasay City.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Sasandig si Sison sa lakas nina Samuel Abu Hijle, Evan Nelle, Joshua Tagala, Prince Etrata at Pedro Alfaro III.

Tangan ng San Beda ang marka bilang koponan na may pinakamaraming kampeonato sa junior class na may kabuuang 23, kabilang ang seven-peat mula 2009 hanggang 2015.

Nakabuntot ang Mapua na may 19 titulo, tampok ang panalo sa San Beda sa nakalipas na taon.

“Of course, Mapua is the team to beat with an almost intact line up. La Salle-Greenhills, San Sebastian and Letran have also improved,” pahayag ni Sison.

Magtutuos ang San Beda at San Sebastian ganap na 1:00 ng tanghali, kasunod ang duwelo ng Mapua at Arellano U sa 3:00 ng hapon.