SA isang survey kamakailan kung paanong tinatanggap ng mundo si United States President Donald Trump sa ugnayang panlabas ng kanyang administrasyon, natukoy na ang mga Pilipino, sa lahat ng 37 bansang sinarbey, ang may pinakamalaking kumpiyansa sa kanya—nasa 69 na porsiyento.
Kasunod ng mga Pilipino sa survey ang mga Vietnamese at Nigerian, kapwa may 58 porsiyento; na sinundan ng mga Israeli, na may 56 na porsiyento; mga Russian, 53 porsiyento; at mga Kenyan at mga Tanzanian, parehong nasa 51 porsiyento.
Ang mga bansang pinakahindi nagtitiwala kay President Trump ay pinangungunahan ng Mexico, limang porsiyento; Spain, pitong porsiyento; Jordan, siyam na porsiyento; Sweden 10 porsiyento; Germay at Turkey, parehong may 11 porsiyento; Chile, 12 porsiyento; at Argentina, 13 porsiyento.
Karamihan sa mga tradisyunal na kaalyado ng Amerika ay nasa pagitan ng dalawang sukdulang ito. Ang Australia ay nakapagtala ng 29 na porsiyento, ang Italy ay 25 porsiyento, ang Japan ay 24 na porsiyento, ang United Kingdom ay 22 porsiyento, ang South Korea ay 17 porsiyento, at 14 porsiyento naman sa France. Sa buong mundo, ang average ng lahat ng bansang sinarbey ay may 22 porsiyentong kumpiyansa kay President Trump.
Ang pangunguna ng mga Pilipino sa listahan ng mga bansang sinarbey ay sumasalamin kung ano ang nararamdaman nila sa mga Amerikano sa kabuuan. Ngunit natukoy din sa survey report na ang 69 na porsiyentong tiwala ng mga Pilipino kay Trump ay isang malaki, 25 puntong pagbaba mula sa 94 na porsiyento na sa nakalipas na survey tungkol sa tiwala ng mga Pinoy kay President Barack Obama.
Naitala sa Sweden ang pinakalamaking kabawasan sa kumpiyansa sa pagitan ng dalawang survey sa dalawang Amerikanong presidente, na dumausdos sa 83 puntos; ang Germany at Netherlands ay may 75 puntos; at ang South Korea ay 71 puntos.
Ang average na pagbaba sa mundo ay nasa 42 puntos.
Ang malaking pagbulusok sa pandaigdigang kumpiyansa sa liderato ni President Trump ang ikinababahala ng maraming observer. Pinaniniwalaang reaksiyon ito sa mga polisiya niya at sa mga hakbanging kanyang ipinatupad sa nakalipas na mga buwan ng kanyang pamumuno. Kabilang sa mga ito ang pader na iginiit niyang ipatayo sa hangganan ng Amerika at Mexico, ang pagtalikod niya sa mga pandaigdigang kasunduan sa kalakalan at sa Paris accord laban sa climate change, at sa pagbabawal niya sa pagpasok sa kanyang bayan ng ilang bansang may malaking populasyong Muslim. Isang bagay din ang kanyang pag-uugali sa naging resulta ng survey; marami ang naaarogantehan sa kanya bukod pa sa hindi umano siya bukas sa pagtanggap sa mga batikos.
Isinagawa ang survey ng Pew Research Center simula Pebrero 16 hanggang Mayo 8, 2017 sa 40,448 respondent sa 37 bansa sa labas ng Amerika.
Tunay ngang nanguna ang mga Pilipino sa pagsarbey sa mga bansang may pinakamalaking kumpiyansa kay President Trump, ngunit mas mahalagang tutukan ang malaking pagbaba ng puntos mula sa nakalipas na administrasyong Obama sa kasalukyang administrasyong Trump. Ito ang una sa nasabing uri ng survey kay President Trump. Kung ang susunod dito ay magpakita ng higit pang pagdausdos, dapat na itong ikabahala hindi lamang ng Amerika, kundi ng buong mundo na matagal nang inirerespeto ang liderato ng Amerika.