Ni: Argyll Cyrus B. Geducos

Sinabi kahapon ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na ikinokonsideran nila ang posibilidad na tangkain ng Maute Brothers na i-rescue ang mga magulang nga mga ito na kasakuluyang nakapiit sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City, sa ilalim ng kustodiya ng Bureau of Jail Management of Penology (BJMP).

Ito ay makaraang kumpirmahin ng BJMP na may mga banta ng posibleng “rescue operation” para kay Engr. Cayamora Maute at sa unang asawa nitong si Farhana Maute.

Sa kabila nito, sinabi ni Lorenzana sa ‘Mindanao Hour’ press briefing sa Malacañang kahapon na wala silang balak na ilipat ng piitan ang mag-asawa.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Hindi na siguro dahil wala na kaming paglilipatan ng mga ‘yan, eh,” ani Lorenzana. “All we have to do is maybe to reinforce them with troops para hindi nila (Maute) ma-attack ‘yung BJMP sa Taguig.”

Inamin ng kalihim na malaki ang posibilidad na subukan ng magkakapatid na Maute na iligtas ang kanilang mga magulang.

“It’s very possible. Talagang malaking probability niyan that they will try to spring them out of prison,” aniya.

“So, kung kailangan ng BJMP ng tulong from AFP (Armed Forces of the Philippines), we’re ready to support them by sending additional troops,” dagdag ni Lorenzana.

Matatandaang napaulat kamakailan na nais ng Maute Brothers na palayain ang bihag nilang pari na si Fr. Teresito Suganob kapalit ng kanilang mga magulang.

Hunyo 6 nang maaresto si Cayamora sa isang checkpoint sa Sirawan, Toril, Davao City, habang sa Masiu, Lanao del Sur naman nadakip si Farhana makalipas ang tatlong araw.

Bukod sa mag-asawa, may ilan pa silang kaanak na naaresto na rin, kabilang ang sinasabing bunsong kapatid ng Maute Brother at umano’y terorista rin.