Ni: Ellson A. Quismorio
“No one is above the law, even if you’re a Marcos.”
Ito ang sinabi kahapon ni House Committee on Good Government and Public Accountability chairman, Surigao del Sur 2nd District Rep. Johnny Pimentel nang tanungin kung magagawa pa ng kanyang panel ang isang bagay na hindi pa nagawa ninuman—ang ipakulong ang isang miyembro ng makapangyarihang pamilya Marcos.
“Ibig bang sabihin kung Marcos ka, exempted ka na sa batas? Hindi po puwede ‘yun,” sinabi ni Pimentel sa mga mamamahayag nang ipasilip niya kahapon ang posibleng maging piitan ni Ilocos Norte Gov. Imee Marcos sa Kamara.
“Dapat pantay-pantay tayo,” dagdag pa ni Pimentel.
Panganay na anak ng dating diktador na si Pangulong Ferdinand Marcos, ang gobernadora ang pangunahing personalidad sa imbestigasyon sa umano’y maanomalyang paggamit ng pamahalaang panglalawigan ng Ilocos Norte sa P66.45 milyon halaga ng tobacco excise tax funds simula 2011 hanggang 2012.
Inaprubahan ng komite noong nakaraang buwan ang paglalabas ng subpoena laban sa gobernadora, na ilang beses nang hindi sumipot sa mga pagdinig.
Ang susunod na hearing ay sa Hulyo 25, at sakaling muling hindi ito siputin ni Marcos, sinabi ni Pimentel na maglalabas na ang komite ng show-cause order, na susundan ng warrant of arrest.
Kahapon, ipinakita ni Pimentel at ni House Sergeant at Arms Roland Detabali ang 70-80 metro kuwadradong silid na posibleng maging piitan ni Marcos sakaling matuloy ang pagdakip dito.
Ang silid, ayon kay Pimentel, ay satellite office ng Sergeant at Arms. Maluwag ito, may receiving area, air-con unit, dalawang mesa, isang partition, may banyo, at isang folding bed.
Ipinakita rin nina Pimentel at Detabali ang posibleng detention cell ng tatlong mahistrado ng Court of Appeals (CA) Special 4th Division na inakusahan ng Kamara ng pakikialam sa imbestigasyon nito sa tobacco fund, partikular sa pagpapalaya sa tinaguriang “Ilocos Six.”