NI: Reggee Bonoan

INAMIN ng baguhang direktor na si Sigrid Andrea Bernardo na nagulat at overwhelmed siya sa big break na ibinigay sa kanya ng Spring Films producers sa pelikulang Kita Kita nina Alessandra de Rossi at Empoy Marquez.

Ayon kay Sigrid, hindi siya ang sumulat ng script, kumpleto na ang cast, at natukoy na ang location ng shooting.

“Ibinigay sa akin ang project, kumpleto na, ako na lang ‘yung kulang,” saad ni Direk Sigfrid.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

ALESSANDRA AT EMPOY copy

Pero nang basahin na niya ang script, “Medyo hindi ko style, malayo sa personalidad ko. So, sabi ko, for two days inisip ko kung gagawin ko o hindi. O gagawa na lang ako ng bagong script, so ginawa ko ‘yung script at nagustuhan naman nila (Spring Films producers).”

Sa madaling sabi, hindi si Direk Sigrid ang pumili kina Alessandra at Empoy.

“It’s a commissioned work talaga na make a film about this two actors, sabi nila (producers) gusto nilang gumawa sa ibang bansa, so, Japan kasi mas mura.

“Kaya ni-research ko talaga lahat, hindi naman ako pumunta ro’n para mag-tour, kung ano ang kultura ng mga Hapon, mga trabaho. Plus lagi rin akong nasa Japan, na-in love talaga ako ro’n,” paliwanag ng lady director.

Nag-research daw ang baguhang direktor ng tungkol sa pagkatao ni Empoy na hindi niya kilala at inalam din kung ano ang common denominator nila ni Alessandra.

“May sense of humor silang pareho na hindi nakikita ng iba. Si Alex kasi as a person, may sense of humor siya.

Actually, mas nakakatawa siya kaysa kay Empoy. Pareho silang may hirit, pero mas iba si Alex.

“Ang problema kasi kay Alex, walang ibinigay sa kanyang role na may sense of humor kaya hindi alam ng tao. I don’t know, ha, kasi lahat ng nakikita ko, puro drama. Iyon ang nakita kong personality nilang dalawa na puwedeng mag-work out at si Empoy, mayroon siyang serious side na gusto kong ilagay sa pelikula,” kuwento ni Direk Sigrid.

Ano naman ang masasabi niya sa producer niyang si Piolo Pascual?

“Okay siyang producer, parang ganu’n lang ipinagkatiwala niya. During the shoot, hindi siya nakikialam, ‘pag tapos na at pinanood niya, doon siya nagko-comment.

“Lahat sila nu’ng napanood nila, na-touch ako kasi pinuntahan pa ako ni Joyce (Bernal) at Erickson (Raymundo) sa set na parang sinabing, ‘sobrang proud kami sa pelikulang ito.’ And you know, as a director na first time magkaroon ng ibang producer, pinakanakakatuwa.

“Kasi bago kami umalis ng Japan, sabi nila, ito ang first solely produced ng Spring Films, hindi ‘yung Kimmy Dora kaya alam mo ‘yung naramdaman kong pressure? This is a commissioned work kaya gusto ko ring maging happy ‘yung client ko, so nakakatuwa talaga at nagulat ako at hindi raw nakakasawang panoorin ng paulit-ulit,” kuwento ni Sigrid.

Napanood na ang Kita Kita sa Osaka Film Festival at ikinatuwa ni Direk Sigfrid ang reaksiyon ng crowd.

“Nag-iiyakan sila. Kasi ‘yung time ng Cha Cha ni Anita, nasanay na ako sa reaksiyon nila. Kasi, di ba, dito sa Pilipinas ‘pag tumawa tayo talagang wa-ha-ha-ha. Grabe sa Japan, ‘yung nakakatawa sa kanila, malumanay na natawa lang, siguro dahil sa culture rin na ang rule kasi kapag nanonood ka ng sine, huwag kang makaistorbo sa nanonood.

Hindi puwedeng humagalpak. Kaya kinakabahan ako kasi hindi ko nakitaan ng ganu’n.

“Pero after the screening, mayroong autograph signing at lahat sila may translator pa at sinasabing umiiyak silang lahat. Kaya nakaka-touch, kasi lahat ng nanood ng Huling Cha Cha ni Anita, nandoon din sila, nanood ulit.

“Pina-follow nila ako, kaya excited sa next festival ulit (sa September), sobra silang excited. ‘Tapos ang sabi nila, ang Kita Kita means north and north means Hokkaido to them, kaya sakto naman, sobrang tuwa ko. Coincident lang pero, di ba... makita means Hokkaido.”

First mainstream movie ni Direk Sigrid ang Kita Kita kaya magkahalong kaba at saya ang nararamdaman niya at hoping siya na tangkilikin ito sa Hulyo 19 nationwide. Distributed ng Viva Films ang pelikula.