Ni: Celo Lagmay

KASABAY ng pagmamadali ng iba’t ibang tanggapan ng gobyerno sa paggasta ng kani-kanilang pondo para sa makabuluhang mga proyekto, mistulang nagtipid naman ang Office of the Vice President (OVP) sa paglalaan ng badyet para sa makatuturan ding mga programa sa kapakanan ng sambayanan, lalo na ng mga maralita. Maliban sa OVP, natitiyak ko na halos simutin ng naturang mga ahensiya ang kanilang taunang badyet hindi upang dambungin kundi upang ilaan sa mga dapat pagkagastusan.

Naniniwala ako na ang nabanggit na mga impresyon ay nakaangkla sa pagkabahala ng Commission on Audit (CoA) na ang pagkabigo ng tanggapan ni Vice President Leni Robredo na gastusin ang halos kalahati ng medical assistance fund nito noong nakaraang taon ay naging dahilan ng pagkakait sa libu-libong Pilipino ng financial aid mula sa gobyerno. Ibig sabihin, ang hindi nagalaw na P89 milyong pondo ng naturang tanggapan ay nakatulong sana sa 3,500 cancer patients at sa 29,000 burials o pagpapalibing; saklaw rin nito ang medical aid, relief operations, medical missions at pagbili ng mga wheelchairs.

May mga haka-haka na tila sinadya ng OVP na hindi isagad ang paggasta sa pondo mula sa national government. Sa halip, higit nitong inaasahan ang suporta ng pribadong sektor sa pagsusulong ng makabuluhan at makataong proyekto na tulad ng Angat Buhay: Partnership Against Poverty at iba pa.

Night Owl

Kailangan mong bumoto

At may mga sapantaha rin na tila kinakawawa ng administrasyon ang OVP sa pamamagitan ng paglalaan ng sapat na gugulin nito. Sa kabila ito ng katotohanan na malaki rin ang responsibilidad ng naturang tanggapan sa pagkakaloob ng mahahalagang pangangailangan ng sambayanan, lalo ngayong kabi-kabila ang mga kalamidad at mga biktima ng terorismo.

Naniniwala ako na ito ang dahilan kung bakit nasabi ni VP Robredo: “Because our office has no funds for projects, we rely on partners to help us whenever we go to communities.” Hindi siya masyadong makakikilos ngayon, hindi tulad noong hindi pa siya nagbibitiw sa Duterte Cabinet... bilang Chairperson ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC).

Hindi na dapat pagtalunan ang pagdulong ni VP Robredo sa iba’t ibang organisasyon hindi lamang dito kundi maging sa ibang bansa. Napag-alaman ko na maraming foreign assistance ang kusang-loob na ipinadadala sa kanyang tanggapan upang ilaan sa makatuturang proyekto para sa ating mga kababayan, lalo na sa sinasabi niyang mga nasa “laylayan.”

Subalit hindi niya dapat kaligtaan ang makatuwirang paggamit ng OVP budget para sa makataong mga programa; bahagi rin siya ng administrasyon na hindi dapat magkait ng malasakit sa sambayanang Pilipino.