Ni: Ric Valmonte

MULING binatikos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Commission on Human Rights (CHR) at ang mga human rights lawyer dahil ayaw nilang isaalang-alang ang mga inosenteng biktima ng mga lungo sa ilegal na droga. “Kadalasan,” sabi niya, “ang ipinagtatanggol ng mga tagapagtaguyod ng karapatang pantao ay mga kriminal.” Hindi mo, aniya, maririnig na sila ay nakikisimpatiya o kumukondena. Basta walang pakialam ang mga “gago.” Sinabi ito ng Pangulo sa ika-50 anibersaryo ng pagiging probinsiya ng Lanao del Norte na ginanap sa Mankilam, Tagum City. “Tingnan ninyo naman kung pumatay ang droga. Bakit natin hahayaan silang sirain ang ating bayan nang basta na lang ganyan?” Dagdag pa niya.

Binanggit ng Pangulo ang kaso ng limang miyembro ng pamilya, tatlo rito ay bata, na pinatay sa saksak sa Jose del Monte, Bulacan. Kasi, ang salarin na si Catalino Ibanez ay umaming naglasing at nagdroga, gayundin ang kanyang mga kasama, bago isinagawa ang krimen.

Ang problema, mukhang nauna ang galit ng Pangulo sa CHR at sa mga human rights advocate dahil kay Ibanez. Eh, negatibo naman ito sa ipinagbabawal na droga nang isailalim ito sa eksaminasyon. Kung totoo na siya ang nagbunyag sa paggamit niya, at ng kanyang mga kasamahan, ng droga, maaaring naisip lang niya itong katwiran. Pero, nang maiulat ang karumal-dumal na krimen, ang pulis ang nagbanggit ng tungkol sa droga. Hindi maiaalis na gawin nila ito dahil nasa gitna sila ng kampanya nito na sa araw-araw ay may napapatay.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ngunit, hindi katanggap-tanggap na ituring ng Pangulo na “gago” ang CHR at ang mga human rights lawyer. Ang CHR ang bumahang luha at dugo sa bansa sa ilalim ng malupit at ganid na sistema ng paggogobyerno at inipon ito bilang bahagi ng Saligang Batas. Ito ay ang napakahalaga nilang ambag sa demokrasya na ang biyaya nito ay mismong si Pangulong Digong ang nagtatamasa ngayon. Nang ang ilaw ng kalayaan, katarungan at katotohanan ay kumukuti-kutitap na lang sa panahong pilit na nilalambungan ng kadiliman, ipinangsangga ng mga human rights lawyer at advocate ang kanilang kapakanan upang huwag itong tuluyang mamatay. Marami rin sa kanila ang nagbuwis ng buhay.

Bakit hindi mo pagbubuwisan ng buhay ang karapatang pantao ng mamamayan? Nagbigay ng napakahalagang aral ang nakaraan nang mapasailalim sa diktadura, sa... pamamagitan ng martial law, ang bansa. Nang sagasaan nito at hindi na iginalang ang karapatang pantao, naging gubat ang bansa at hayop ang mamamayan. Ang karapatang pantao, uulitin ko, ay manipis na linyang naghihiwalay sa tao at hayop, sibilisadong lipunan at gubat. Kapag binalewala mo ang karapatang pantao, na siyang gustong gawin ni Pangulong Digong, wala nang pagkakaiba ang tao at ang hayop. Ang maghahari sa sibilisadong lipunan ay batas ng gubat: ang lakas. Hindi tagapagtanggol ng mga kriminal ang mga human rights lawyer, kundi sila ay tagapagtanggol ng moral at disenteng lipunan na ang nangingibabaw ay batas ng katwiran at hindi batas ng lakas.