NAKABANGON ang BaliPure sa krusyal na fourth set para maipuwersa ang hangganan at makuha ang 25-15, 22-25, 20-25, 25-19, 15-6 panalo kontra Power Smashers sa pagsisimula ng kampanya sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference nitong Linggo sa The Arena sa San Juan.
Pinangunahan ni Grethcel Soltones ang ratsada sa final set sa naiskor na pitong sunod para maitakas ang BaliPure mula sa 6-8 paghahabol. Sa kabila ng panalo, sermon ang inabot ng koponan kay coach Roger Gorayeb.
“Parang masyado silang masaya, ok masaya, pero parang nawala na sila sa focus, tapos nag-iba na ‘yung timpla ng itsura nila noong naging dikitan na,” pahayag ng beteranong coach patungol sa second set kung saan abante ang BaliPure sa 13-10.
“Sabi ko hindi pwedeng ganoon, lumabas ang pagkabata ng karakter nila,” aniya.
Nakalusot din ang defending champion Pocari Sweat sa malamyang simula tungo sa 21-25, 25-20, 25-18, 15-21 panalo kontra University of the Philippines.
Hataw si Myla Pablo sa naiskor na 18 puntos, 13 dig at pitong excellent reception para sa Lady Warriors, habang kumana sina Elaine Kasilag at Cai Nepomuceno sa nakubrang tig-10 puntos.
Iginiit ni Rico de Guzman na malakas ang Lady Maroons at nadampian lamang sila ng suwerte para manaig.
“Nahirapan kami sa UP, unang-una ang opensa nila hindi pa namin ma-block, mabilis sila and ang service nila ubod ng karga so ang mga players ko hindi marecieve ng maayos (ang bola),” sambit ni de Guzman.