Ni: Jun Fabon

Nasa 31 katao ang inaresto ng mga tauhan ng anti-illegal gambling ng Quezon City Police District (QCPD)-Station 10, Kamuning Police nang salakayin ang ilegal na sabungan sa Quezon City kamakalawa.

Ayon kay Police Supt. Pedro Sanchez, dalawa sa mga hinuli ay nagpakilala umanong nagtatrabaho sa Quezon City Hall at ito ay sina Alexander Santos y De Belen, 59, ng No. 55A Torillo Street, Barangay South Triangle, at Narciso Doren, Jr. y Badaro, 30, ng Perla St., Bgy. Central.

Bandang 9:00 ng umaga kamakalawa, sinalakay ng mga tauhan ng anti-gambling ng Kamuning Police Station ang ilegal na sabungan sa tapat ng NAPOCOR sa BIR Road, ‘di kalayuan sa Quezon Avenue, Bgy. Central at pinagdadampot ang 31 katao, kabilang sina Santos at Doren.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nakumpiska sa mga inaresto ang mga manok na panabong, cockfighting money at mga gamitan sa tupada habang nakatakas ang operator na pansamantalang hindi pinangalanan ng pulisya.

Nakakulong ang mga inaresto sa QCPD-S10 matapos sampahan ng kasong paglabag sa Presidential Decree (PD) 499 o illegal cockfighting.