NI: Czarina Nicole O. Ong

Napatunayan ng Sandiganbayan Third Division na nagkasala sina dating Bureau of Fire Protection (BFP) chief Francisco S. Senot at chief ng Finance Service Unit (FSU) Florante M. Cruz ng limang bilang ng estafa sa pamamagitan ng pamemeke ng mga dokumento at limang bilang ng kasong katiwalian kaugnay sa maanomalyang pagkukumpuni ng mga sasakyan na pag-aari ng firefighting division ng gobyerno.

Inakusahan sila ng “ghost repairs” sa ilang sasakyan ng BFP, tulad ng Kia Besta vans at Isuzu Elf trucks. Ang maanomalyang pagkukumpuni ay ginastusan ng gobyero ng P144,123.73 noong 2001.

Kapwa itinanggi nina Senot at Cruz ang mga akusasyon, ngunit sa 86-pahinang resolusyon na pinonente ni Associate Justice Sarah Jane Fernandez at sinang-ayunan nina Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang at Associate Justice Bernelito Fernandez, napatunayang sila ay nagkasala sa lahat ng 10 kaso.

Tsika at Intriga

Maris, namundok matapos maeskandalo kay Anthony

Pinatawan sila ng 60 taon at limang buwang pagkakakulong, at 90 taon at limang araw na pagkakakulong, at danyos na P25,000. Inatasan din silang ibalik ang perang nawala sa pamahalaan dahil sa ghost repairs kasama ang interes na anim na porsiyento bawat taon.