Ni Nick Giongco
BRISBANE, Australia — Kontrobersyal, ngunit kasaysayan sa Australian boxing ang pagwawagi ng dehadong si Jeff Horn kontra kay 11-time world champion at boxing living legend Manny Pacquiao via ‘unamimous decision’ nitong Linggo sa harap nang nagbubunying 51,052 local crowd sa Suncorp Stadium.
Nakuha ni Horn, agrabyado sa statistics, ang ayuda ng mga hurado sa iskor na 117-111 (Waleska Roldan ng New York), 115-113 (Chris Florez ng Arizona) at 115-113 (Ramon Cerdan ng Argentina).Naagaw ng 29-anyos na dating guro at Olympian ang World Boxing Organization (WBO) welterweight crown, gayundin ang karapatan na tawagin na isa sa mga fighter na nakatalo sa future hall-of-famer.
“I feel amazing and I feel I am on cloud nine,” pahayag ni Horn, ginamit ang bentahe sa laki at diskarte para tapatan ang karanasan at bilis ni Pacquiao.
"I felt buzzed for sure, but I'm the Hornet — I've got to come back," aniya, patungkol sa ikasiyam na round kung saan dumanas siya nang labis na hirap at halos mapatumba na siya ni Pacman.
"I'm not a quitter. Australians aren't quitters to start with. We've showed we're winners. It was the battle of Brisbane, that's for sure. Absolutely unbelievable. So pumped."
Sa nakamit na panalo (17-0) sa batang career, ipinapalagay na sisirit ang career ni Horn, habang ang kaganapan ay mistulang paalala sa Pinoy champion para muling pag-isipan ang pagreretiro sa edad na 38-anyos.
Ngunit, sinabi ni Bob Arum, promoter ni Pacquiao sa Top Rank, na may nakasaad na ‘rematch’ sa kontratabg nilagdaan laban kay Horn.
"I know Jeff would welcome the rematch, but I don't known Manny’s future position," sambit ni Arum. "Is he going to stay in politics and not continue in boxing? I don't know, and he doesn't know now — it's unfair to ask him now."
“Absolutely,” tugon ni Pacquiao sa katanungan para sa rematch.
Sa pagtatapos ng laban, duguan si Pacquiao dulot ng sugat na nilikha ng head butt ni Horn sa ikaanim at ikapitong round. Ipinahayag naman ni referee Mark Nelson ng US na pawang aksidente ang dalawang pagkakataaon.
Matikas ang simula ni Horn at sinamantala ang pagtatanya ni Pacquiao sa lakas ng kanyang mga suntok.
Sa ikaanim na round, nakatama ng solid si Horn, ngunit hindi niya ito napuruhan. Tinangka niyang sundan ito sa mga sumunod na palitan ng suntok, subalit matatag at mabilis ang ilag ni Pacman.
Parang ‘diesel’ si Pacquiao sa ikasiyam na round nang kanyang dominahin si Horn at sa ilang sunod-sunod na kombinasyon ay mistulang tutupi na ang mga tuhod ng Australian dahilan para magtayuan at magsigawang ang pro-Aussie crowd.
Ngunit, naialba ni Horn ang atake ni Pacquaio at nagpatuloy ang pakikisagupa sa Pinoy champion.
Magaan naman sa loob na tinanggapni Pacquiao ang kabiguan sa desisyon ng mga hurado.
“That’s the decision of the judges and I respect that,” aniya.