Ni: Marivic Awitan
CHENGDU, China (FIBA) – Nasungkit ni Team Philippines Batang Gilas Encho Serrano ang silver medal sa slam dunk, habang ikapitong puwesto ang Pinoy sa FIBA 3x3 Under-18 World Cup na pinagwagihan ng Belgium nitong Linggo.
Nakopo ng Belgium ang men’s title, habang nagwagi ang USA sa women’s team sa ika -anim na edisyon ng torneo.
Tinapos ng Europe Cup champion Belgium ang torneo na may perpektong 7-0 marka sa pamumuno ni tournament MVP Ayoub Nouhi. Huli nilang tinalo ang Netherlands sa Finals.
Naiuwi ng Slovenia ang bronze makaraang manaig laban sa New Zealand (21-17).
Tinapos ng USA ang 4-year gold-winning drought matapos dominahin ang Czech Republic (21-14), sa pangunguna ni tournament MVP Aquira DeCosta.
Nagwagi naman ng bronze ang Russia nang talunin ang Hungary (12-8).
Bukod sa team gold, nagwagi rin ng individual gold medal si Vincent Peeters ng Belgium na magkampeon sa dunk contest kung saan pumangalawa ang ating bet na si Serrano kasunod si Matej Susec ng Slovenia.