Ni NORA CALDERON
AFTER 30 years, muling nagbabalik si Asia’s Songbird sa una niyang tahanan, ang Viva. Dito unang nag-record ng album si Regine, unang gumawa ng pelikula at unang binigyan ng pagkakataon ni Boss Vic del Rosario na mag-host ng talent search. So, ano ang mangyayari dahil naka-contract pa siya sa GMA Network, lilipat ba siya?
“For recording lang at ang coming concert ko ang gagawin ko sa Viva,” nakangiting sagot ni Regine. “Magkakaroon ako ng solo concert sa Mall of Asia Arena sa October 21, titled R3.0. Ipi-feature namin doon ang restrospetive of my biggest hits, new recordings and popular oldies that are close to my heart.“Gagawa rin ako ng album, bale three discs, 10 songs each, ang isa new recordings, isa iyong new versions of my big sellers, at iyong mga songs na kinakanta ko sa concert na hindi ko pa naire-record. Mga original compositions sila ng Filipino composers. P’wede ninyong bilhin ang album ng per volume, or in three volume set. Sa ngayon bawat ire-record kong song, pinag-aaralan ko munang mabuti kung paano mabibigyan ng new sound, siguro, iyon ang challenge sa akin. Kailangan kasing mas maganda ang gawin ko kaysa original. Minsan, mas maganda kung lalaki ang kumakanta ng song kasi hindi maiku-compare iyon sa pagkanta ko.
“Minsan may insecurities din ako kapag napapansin kong may naiba na sa boses ko, siyempre, hindi naman ako bumabata na, kaya minsan may kulot, may huskiness, pero sabi ng asawa ko, si Ogie, mas maganda nga raw ang boses ko nararamdaman daw niya ang passion ko sa pagkanta, mas may feelings daw ngayon.
“Nagsimula na akong mag-record, at lima na ang natatapos ko. Ang maganda lang, hindi mahirap sa akin dahil sa bahay ko lang ako nagri-record, may recording studio ako roon kaya hindi ko nami-miss ang anak ko, si Nate. Kapag hinanap niya ako, sasabihin lang na nandoon ako sa recording studio, pupunta siya roon, magsasabi ng ‘hi.’ Ganoon naman ang anak ko, makita lang ako, okey na sa kanya.”
Pero paano ang contract niya sa GMA?
“My contract will expire pa sa January 2018, pero may option pa sila para i-renew ako. Hindi naman nila ako hahayaang umalis, at hindi rin ako aalis sa kanila kasi ‘nirerespeto nila ako, inalagaan nila ako kahit noong nag-asawa at nagbuntis ako kay Nate, hindi nila ako pinabayaan. Ang contract ko sa Mulawin vs Ravena hanggang September lang ang taping ko dahil I have to prepare na sa concert ko. Magaan din ang schedule ko sa kanila dahil may week na twice a week lang ako nagti-taping, minsan once a week, minsan naman wala. Mabuti rin iyong hindi ako ang solong bida, ensemble kami, kaya hindi kailangan na lagi akong nasa eksena.
“Hindi tulad noong Poor Senorita ko, 40 sequences ako roon, 39 sequences ang kukunan sa akin, minsan nasa background lang ako, walang dialogues, pero 40 sequences pa rin iyon. Wala naman akong karapatang magreklamo dahil tinanggap ko ang trabaho. After MVR may isa pa akong gagawing show sa GMA, bago matapos ang contract ko. Hindi na siguro iyon teleserye, dahil matagal ang teleserye.”
May offer din si Boss Vic kay Regine na gumawa ng movie, biro niya, tatanggapin daw niya kung ang magiging leading men niya si Robin Padilla o si Aga Muhlach, pero ang makakatuluyan niya si Ogie Alcasid o di kaya si James Reid. One at a time lang daw muna, dahil balak din ni Boss Vic na dalhin sa probinsiya at abroad ang R3.0.
Sa ngayon, pinag-iisipan pa nila kung sinu-sino ang magiging special guests ni Regine. Pero kailan mari-release ang kanyang new album?
“Hopefully before the concert on October 21, pero kung hindi, siguro back-to-back na lang ang concert at ang release ng album, asahan ninyong nandoon ako na magbebenta ng album bago ako mag-concert,” masayang pagtatapos ni Regine bago ginanap ang contract signing sa harap nina Boss Vic at ni Mr. Tony Ocampo at ng manager niyang si Cacai Velasquez-Mitra.